Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na anumang oras ay ihahayag na niya ang mga magiging miyembro ng isang independent commission na magsisiyasat sa umano’y mga anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan ngayong Martes, Setyembre 9.
Ayon sa Pangulo, ang naturang komisyon ay hiwalay sa gobyerno at bubuuin ng mga abogado, mahistrado, imbestigador, at forensic accountant mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Audit (COA).
“Wala pang formal name, pero binubuo namin ang independent commission para imbestigahan ang lumalabas na anomalya sa mga flood control projects. Ayokong pangunahan ang aktwal na anunsyo ng mga personalidad dahil hindi pa ito pinal, pero malapit na,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, magkakaroon ng kapangyarihan ang komisyon na maglabas ng konklusyon at rekomendasyon kung sino ang dapat sampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) o Office of the Ombudsman.
Tiniyak ni Marcos na walang sasantuhin ang gagawing imbestigasyon kahit pa kamag-anak o kaalyado sa politika ang madawit.
“Who is more important—your friend, your political supporter, or every single ordinary Filipino citizen? To me, it’s the Filipino citizen. Nobody is more important than Filipinos,” ani ng Pangulo.