Walang kaluluwa ang robot sa iyong bulsa,
Kaya ano ang kanilang nalalaman sa mga tula?
Matalino nga at nakakagamit ng mga matatalinghagang salita,
Ngunit alam ba nila kung para saan tayo nagiging mga makata?
Alam ba nila na walang laman ang plato ng mga magsasaka?
Hindi alam ng makinang iyan ang kasakiman ng mga buwaya na laging nakaabang sa ilalim ng tubig,
Mas lalong hindi niya naiintindihan kung ano ang dahilan ng ating paghihinagpis,
Hindi si AI ang nakakaranas nito upang makapagsulat ng tula na galing sa puso.
Ano ang alam ni AI kung bakit nababalot ng hamog ang Gaza?
Habang umuulan ng pekeng bituin sa Ukraine,
At kinalimutan nila ang Congo at Sudan,
Paano nalalaman ng AI ang lahat?
Tanging ang taong nakakaramdam ng galit at patuloy na lumalaban
Ay ang mga taong mulat sa katotohanan,
Kung kaya’t hindi alam ng AI ang dahilan kung bakit tayo patuloy na sumusulat ng mga tula,
Dahil sa totoong emosyon ito nagmula.
| via Reojenee Dela Cuadra, PressroomPH