“Masaya na ako sa tanawing ito.
Ikaw, mula sa malayo.”
Ngunit akala ko lang iyon. Napagtanto kong ikamamatay ko pala.
Tulad ng araw na natabunan ng makulimlim na langit, ipinipilit pa rin nitong sumiklab ng liwanag hanggang sa tuluyan na itong matabunan ng maitim na ulap, at ang sinag nito’y napuyos nang hindi man lang napapansin sapagkat ang masa’y naaaliw na sa lamig ng dumating na ulan.
Tulad ng buwan na nabuwag sa araw at patuloy na naghihintay sa susunod na duyog—nag-iisa at nangungulila.
Tulad ng mga bulaklak na unti-unting nahuhulog ang mga talulot, kapos sa hininga dahil wala ng tubig na dumadaloy sa katawan.
Namatay at hindi nakapag-iwan ng bakas ng kanyang kagandahan.