via Zyra Marie T. Patosa, Pressroom PH
Sa isang giyerang milyon-milyong tao ang apektado, at puno ng labanang madugo, nananaig pa rin ang kabutihan sa puso ng iilan.
Ninanais, ipinaglalaban, at sinisigaw ang kasaganaan at kapayapaan.
Kung sa ibang parte ng mundo, ang mga tao roo'y masigla't ligtas, sa kanila'y hindi–tunay—ito'y kabaliktaran.
Sa lupain ng Gaza, minu-minuto ang panganib, mapanuring mata ang kailangan upang buhay ay manatili.
Kaliwa't kanan ang pagputok at pagyanig ng lupa, walang tigil ang pangamba't iyak.
Ang mga pusong walang ibang ninanais kundi ang mabuhay ng payapa at payak, ay nananatiling nakatago.
Nawala't pinutulan na rin sila ng pakpak, kaya sila'y walang boses at kakayahang tumayo't lumaban.
Ngunit hindi pa rin napupundi ang ilaw ng pag-asa 'pagkat may mga tao pa ring inuuna ang kapakanan ng iba.
Sa Egypt at sa kabilang panig ng Mediterranean, ang mga tao roo'y umaksiyon sa pamamagitan lamang ng pagtatapon ng boteng may lunas.
Mga boteng puno ng bigas, gatas, harina't lentil, ipinasasabay sa agos ng tubig at umaasang makararating sa Gaza.
Oo, walang barko o kahit na anong magarbong sasakyang pandagat, simple lamang iyon—itinapon na may kasamang dasal.
Ito ang patunay na mayroon pa ring mga taong papanig sa kabutihan, may pakialam at umaayaw sa madugo't mabagsik na dala ng digmaan.
Nangunguna ang kagustuhang makatulong, hindi para sa pansariling interes, kundi para malasap kahit papaano ng iilan ang maginhawang buhay na ilang taon nang hindi nararanasan
Isang magiting, at hindi makasarili ang taong naghahangad na madugtungan ang buhay ng mga taong ilang buwan nang naghihikahos at umiiyak dahil sa gutom at takot.
Hindi sila nangangailangan ng atensiyon, sadyang handa lang talaga silang umaksiyon at tumugon.