Upang tulungan ang mga institusyong pampinansiyal sa pagtaya ng credit score ng mga small and medium enterprises (SMEs), opisyal nang inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (Jica), ang Credit Risk Database Philippines Web-based Scoring System (CRDPh System) nitong Hulyo 29, 2025.
Layon nitong makagawa ng credit score at mas mapabilis ang pagsusuri ng kakayahang makapagbayad ng mga SMEs.
Dagdag pa rito, mas mapapadali ang pag-apruba ng loans para sa mga may mataas na kakayahang makapagbayad sa mas mababang interes.
Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na nagpatupad ng CRD Model ng Japan kaya naniniwala ang Jica na makapagdadala ito ng malaking pagbabago sa sektor ng pagbabangko sa nasabing bansa.
Nagsimula na ang ‘Phase 1’ noong 2020, kung saan nilahukan ito ng 17 institusyong pampinansyal upang makalikom ng sapat na datos sa pagbuo ng scoring model.
Pagsapit ng Disyembre 2024, 16 pang mga institusyong pampinansyal ang sumali bilang bahagi ng Phase 2.
Sa ngayon, libre pa ang pagkamit ng CRDPh System ngunit posibleng magkaroon ito ng bayad sa hinaharap para mapanatili ang operasyon.