via Joaquin Dellomo, Pressroom PH
Bumandila ang Filipina triathlete na si Kira Ellis sa katatapos lamang na 2025 European Triathlon Junior Women’s Cup matapos angkinin ang gintong medalya laban sa mga atleta mula sa sampung bansa sa Riga, Latvia, noong ika-20 ng Agosto.
Naiukit ng 18-anyos na rising star ang oras na 1:05:07 upang magreyna sa 750-meter swim, 22-kilometer cycling, at 5.1-kilometer run, at maselyuhan ang unang puwesto sa prestihiyosong torneo.
Samantala, naiuwi ng Belgian pride na si Luca Vanderbruggen ang medalyang pilak matapos magtala ng oras na 1:05:17, habang ang German triathlon star na si Sarah Walter ay nakapagrehistro ng 1:05:22 para sa bronze podium finish.
Pinagtibay ni Ellis ang kaniyang malamyang panimula sa 750-meter swim at 22-kilometer cycling leg, bago bumida sa run leg na nagsilbing instrumento upang tuldukan ang kaniyang golden run—matapos makarekober mula sa shin injury na tumambad sa kaniya sa umpisa ng taon.
"Honestly, I'm just happy to be back on the start line after not racing for a while,” ani Ellis.
Minamataan na ngayon ni Ellis ang panibagong titulo sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games na idaraos sa Thailand.