Mula sa pagbubuhat ng timba, tungo sa pagkamit ng medalya.
Balanse, postura, at pokus — ilan sa mga pundamental na kailangan sa paligsahan ng weightlifting. Ito ang mundo ni Hidilyn Diaz, isang Pilipinong atleta mula sa Zamboanga. Hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay tungo sa tagumpay, ngunit sa bawat hinto at paghihirap, dala niya ang mga katagang: “Sila ang magiging inspirasyon mo o ikaw ang magiging inspirasyon nila?” mula sa kaniyang coach.
Bata pa lamang, aminado na si Hidilyn na mahirap ang kanilang pinansyal na katayuan. Noong una, libangan lang daw niya ang magbuhat dahil nakalilimutan niya ang hirap ng buhay, ngunit sa bawat pagtaas ng barbell, lalo ring lumalim ang kaniyang pagmamahal sa isport.
Ang pagsali sa Palarong Pambansa mula elementarya hanggang kolehiyo, ay nagbigay sa kaniya ng mga scholarship, at dito rin nakita ng Philippine Weightlifting Association (PWA) ang kaniyang potensyal bilang atleta at kampeon. Sa tulong nito, nakapasok siya sa mga internasyonal na kompetisyon sa weightlifting, palaging nakatutok sa hiyas ng gintong medalya.
Ngunit minsan, nabigatan din siya sa responsibilidad at hamon ng buhay. Muntik na siyang mawalan ng layunin at umalis sa kaniyang karera. Datapwa’t, tila itinadhana na ang kaniyang kapalaran — ang maging kampeon at masungkit ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas.
At noong Hulyo 26, 2021, nag-alab ang diwa ng buong bansa matapos iuwi ni Hidilyn ang kanyang inaasam-asam na hiyas sa 55-kg Women’s Weightlifting sa Tokyo Olympics.
“I had to embrace the achievement because it comes with a great responsibility. Well, there was a responsibility then, but now there’s the gold and the responsibility is much more. And I consider all that a blessing,” ani ni Diaz.
Ang kwento ni Hidilyn Diaz ay hindi lamang tungkol sa pagbubuhat. Ito’y kwento ng pagsisikap, tapang, at walang hanggang pangarap. Ang bawat laban niya ay simbolo ng pag-asa at inspirasyon para sa mga Pilipino, na patuloy na nagpapakita ng determinasyon at lakas sa buhay.