via Joaquin Dellomo, Pressroom PH
Blinangkohan ng Pinay tennis ace na si Alex Eala ang katunggaling si Kayla Day matapos ilambat ang iskor na 6-2, 6-3 (2-0) upang maselyuhan ang silya sa Guadalajara 125 Open Finals na idinaos sa Grandstand Caliente ng Pan American Tennis Center, Mexico, ika-6 ng Setyembre.
Ito ang ikalawang pagkakataon na irerepresenta ni Eala ang bansa sa finals matapos niyang tuldukan ang kampanya sa Eastbourne Open nang yumuko siya sa Australian ace na si Maya Joint noong Hunyo.
Sa simula ng unang set, umalagwa ang opensa ni Day sa pamamagitan ng ipinakawalang cross-court smash upang angkinin ang unang dalawang puntos, 0-2.
Ngunit hindi nagpatinag ang Pinay matapos ungusan ang USA representative at iparada ang 6-0 run na naghudyat ng pag-angkin sa unang set, 6-2.
Sa kalagitnaan ng ikalawang set, nagpakawala si Day ng service ace na nagresulta sa pagkakatabla ng talaan, 2-2.
Gayunpaman, hindi na pinalagpas ng World No. 75 na si Eala ang laban matapos ang isang forehand smash na nagpatapos sa sagupaan.
Haharapin ni Eala ang pambato ng Hungary na si Panna Udvardy sa Open Finals bukas, ika-7 ng Setyembre.