Inaprubahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang mas mababang interest rate at pinaigting ang proseso ng paglalabas ng pondo para sa calamity loan program ng Social Security System (SSS), bilang agarang tugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon sa pahayag ng SSS nitong Miyerkules, ilalabas na ang bagong panuntunan ng programa kung saan ibinaba ang interest rate mula 10% tungo sa 7% para sa mga kwalipikadong miyembro.
Ang bagong interest rate ay ilalapat sa mga SSS member na may maayos na credit history at hindi nabigyan ng anumang penalty condonation sa nakalipas na limang taon, isang hakbang upang mabigyang-pagkilala ang mga responsableng nagbabayad.
Kaugnay ito ng pinaigting na relief operations ng pamahalaan para sa mga lugar na labis na nasalanta ng Bagyong Crising, na pinalakas pa ng habagat.
Tinatayang halos kalahating milyong pamilya ang naapektuhan at napinsala ang maraming rehiyon sa buong bansa.
“Magandang balita ito para sa ating mga kababayan na nangangailangan ng agarang tulong pinansyal. Dati ay inaabot ng isang buwan bago makuha ang loan, ngayon ay pitong araw na lang. Dagdag pa rito, binaba na rin natin ang interest para mas maging abot-kaya,” pahayag ni Recto, na kasalukuyang ex-officio chair din ng Social Security Commission.
Pinapayagan ang pag-renew ng calamity loan makalipas ang anim na buwan basta’t regular na nakapagbabayad ng hulog ang miyembro.
Ang loan ay babayaran sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng 24 na pantay-pantay na buwanang hulog, magsisimula sa susunod na buwan matapos maaprubahan.
May isang porsyentong service fee na ibabawas mula sa kabuuang halaga ng loan. Upang matiyak ang maayos at transparent na transaksyon, ipoproseso ang loan proceeds sa pamamagitan ng active UMID ATM cards o PESONet-participating bank accounts.
May 30 araw ang mga kwalipikadong miyembro upang mag-avail ng programa mula sa petsa ng anunsyo. Bukod sa SSS, nagbukas din ng emergency loan ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng bagyo.
Kabilang sa mga sakop na lugar ang Cavite, Quezon City, Umingan sa Pangasinan, at Calumpit sa Bulacan.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng pamahalaan na mapagaan ang pasanin ng mga nasalanta at mapabilis ang kanilang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.