Inihayag ng Friends of Blessed Carlo Acutis - Philippines na dadalhin sa bansa sa huling bahagi ng taong ito ang pilgrim relic ng Beato Carlo Acutis, na magiging unang millennial saint ng Simbahang Katoliko sa Setyembre 7.
Ayon sa organisasyon, ang relikya na bahagi ng pericardium o lamad na bumabalot at nagpoprotekta sa puso, ay mananatili sa Pilipinas mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 15 ngayong taon.
Binanggit ng grupo na ang makasaysayang kaganapang ito ay sumisimbolo ng “pagpapanibago at pagdiriwang” para sa Simbahang Pilipino, partikular sa kabataan at mga pamilya.
Kinumpirma ni Bishop Domenico Sorrentino ng Assisi-Nocera Umbra-Gualdo Tadino ang pagbisita at ito’y pangangasiwaan sa bansa sa ilalim ng paggabay ni Bishop Dennis Villarojo ng Malolos, habang hinihikayat ang mga dioceses, parokya, at paaralan na maghanda para sa pagdating ng relikya.
Ang pagdedeklara bilang santo ni Acutis na nakatakda ngayong Linggo ay orihinal na itinakda noong Abril 27 ngunit ipinagpaliban matapos pumanaw si Pope Francis noong Abril 21.