Sa gitna ng mainit na talakayan sa P6.793-trilyong national budget para sa 2026, nagpatuloy ang mga espekulasyon hinggil sa paghalal ng bagong House Speaker, ngunit nanindigan ang mga lider ng Mababang Kapulungan na buo ang kanilang suporta kay Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo 1st District Representative Janette Garin, malinaw sa pulong ng mga lider ng mga partido noong Setyembre 10 na ang prayoridad ng Kamara ay pagtutok sa mga panukalang batas at programang maglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mamamayan, at hindi ang mga “tsismis na pagpapalit ng liderato.”
Sinundan ito ni Tingog Party-list Rep Jude Acidre na nagsabing, “This is a House that stands united, clear in our duty, firm in our purpose, and strong in our resolve to serve the people…”
Iginiit pa niya na ang pamumuno ni Romualdez ay nanatiling “matatag, mapagkakatiwalaan, at hindi nagbabago.”
Para kay Acidre, mahalaga sa panahong ito ang katatagan ng liderato upang hindi mailihis ang atensiyon ng Kongreso mula sa mas mahahalagang usapin, partikular na sa mga deliberasyon sa badyet na direktang nakaaapekto sa taumbayan.
Sa kabila ng patuloy na bulong ng pulitika, igniit ng mga kaalyado ng kasalukuyang House Speaker na ang Kamara ay nananatiling nakatuon sa trabaho, pinipiling unahin ang pagkakaisa at serbisyo kaysa sa intriga at pagkakawatak-watak.