Bawat pag-ikot ng taon, muling hinahabi ang naratibo ng ating bansa sa isang talumpating inaabangan, pinag-uusapan, at kinukuwestyon—ang State of the Nation Address o SONA. Ito ang yugto kung saan ang lider ng bayan ay muling humaharap sa sambayanan, bitbit ang mga kwento ng pagsusumikap, tagumpay, at mga balak landasin. Ngunit sa likod ng magagarbong salita at pulidong presentasyon, naroon ang tanong na hindi madaling sagutin: hanggang saan nga ba ang agwat ng pangako sa katotohanan?
Ngayong 2025, sa ikatlong ulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nararapat lamang na balikan, suriin, at tunghan kung alin sa mga pangarap ng nakaraan ang naging reyalidad, at alin ang nananatiling larawan lamang sa papel.
Ang SONA ay higit pa sa pormal na pag-uulat ng Pangulo kundi isang pampublikong kontrata sa mamamayan. Taun-taon, dito sinusukat hindi lamang ang mga numero’t proyekto, kundi pati na rin ang sinseridad ng isang lider. Sa dalawang nakaraang SONA ng Pangulo, binigyang diin niya ang “Bagong Pilipinas”—isang bisyon ng reporma, kaunlaran, at pagbabago.
Habang unti-unting humuhupa ang ingay ng palakpakan sa Batasan, mas nararapat sigurong suriin hindi lang kung ano ang mga binanggit, kundi kung paanong ang bawat linya ay nagsisilbing salamin ng kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Binuksang Pananaw
Sa kanyang ikatlong ulat sa bayan noong Hulyo 28, 2025, muling humarap si Pangulong Marcos Jr. sa sambayanan bitbit ang temang “Bagong Pilipinas.” Inilahad niya ang mga naging hakbang at plano sa larangan ng ekonomiya, agrikultura, edukasyon, kalusugan, seguridad, at atbp. Sa loob ng 1 oras at 10 minuto, sinikap ng Presidenteng maipakita ang mga tagumpay ng administrasyon sa nakaraang taon.
Ekonomiya:
Halos 1.5 milyong pamilya na ang nakapagtapos sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), matapos umangat ang kanilang kabuhayan, habang mahigit 5 milyong kabahayan pa rin ang patuloy na tumatanggap ng tulong sa ilalim ng conditional cash transfer program.
Agrikultura:
Umabot na sa 8.5 milyong magsasaka at mangingisda ang nabigyan ng suporta mula sa pamahalaan, kasabay ng P113 bilyong badyet para sa Department of Agriculture (DA) na layong maipatupad ang P20/kilo ng bigas sa mga KADIWA store. Ipinagmalaki rin ang pagdami ng farm-to-market roads at irrigation systems, at ang pagtaas ng produksyon ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas, bawang, sibuyas, at tubo.
Edukasyon:
Nakapagtayo ang administrasyon ng 22,000 bagong silid-aralan at 172 Child Development Centers. Mahigit 2 milyong mag-aaral na rin ang nakikinabang sa libreng kolehiyo. Sa ilalim ng YAKAP Caravan, naipamahagi ang libreng gamot at serbisyong medikal, habang tinanggal ang mahigit 100 dokumentong walang direktang kinalaman sa pagtuturo upang maibsan ang trabaho ng mga guro. Sa nutrisyon, tinutukan din ang pagbibigay ng sustansiyang pagkain at gatas sa 3.5 milyong mag-aaral.
Kalusugan:
May 53 Bucas Centers na ang naitatag sa bansa at mahigit 11.5 milyong Pilipino na ang natulungan ng Medical Assistance Program. Naglaan din ng P1.7 bilyon para sa gamot sa mga uri ng cancer na hindi sakop ng PhilHealth, at dinagdagan ang pondo para sa bakuna kontra Human Papillomavirus (HPV). Tumaas ang benepisyo ng PhilHealth, kabilang ang P47,000 para sa dengue at P187,000 para sa katarata, habang ang tulong para sa kidney transplant ay tumaas mula P600,000 tungong P2.1 milyon. Libre na rin ang dialysis, therapy, rehabilitasyon, outpatient services, at gamutan sa puso, kanser, mata, at malnutrisyon para sa mga Persons With Disability (PWD). Pinaigting pa ito ng Zero Balance Billing, kung saan libre na ang lahat ng akomodasyon n sakop ng Department of Health (DOH)—wala nang kailangang bayaran ang pasyente.
Hustisya:
Umabot sa P83 bilyon ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasabat, na nagresulta sa pagka-aresto ng mahigit 105,000 katao—kasama rito ang 9,600 high-value targets at 677 kawani ng pamahalaan. Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang pagligtas sa 13 milyong Pilipino mula sa kaguluhan, at ang pagkakaupo ng mahigit 100 personalidad sa iba't ibang posisyon, kabilang ang higit 50 pulis. Higit pa rito, mahigit 600 Overseas Filipino Workers na nahatulan sa ibang bansa ang nakalaya na.
Maisasakatuparan ba ang mga ito?
“Kaya sa huling tatlong taon ng Administrasyon, ibubuhos pa natin ang lahat-lahat. Hindi lamang upang mapantayan, kundi mahigitan pa ang pagbibigay-ginhawa sa ating mga kababayan.” — Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pinakamalalim na tanong ay hindi kung ano ang sinabi—kundi kung ano ang naipatupad, at kung ano pa ang posible sa nalalabing panahon.
Sa SONA 2025, muling hinain ni Pangulong Marcos Jr.ang mga salitang puno ng determinasyon: mababang inflation, tumataas na Gross Domestic Product (GDP), lumalagong kumpiyansa ng negosyo, at isang “mas mabilis, mas mabuti” na serbisyo para sa mamamayan [GMA Network]. Iniangat rin niya ang patuloy na pagpapalawig ng murang bigas at digital access sa mga pampublikong paaralan.
Ekonomiya:
Sa harap ng patuloy na hamon ng kahirapan at kawalan ng trabaho, muling inilahad sa SONA 2025 ang mga pangakong nakatuon sa pagpapalago ng ekonomiya. Kabilang dito ang pagpapalawak ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang higit pang mapangalagaan ang mga maralitang Pilipino. Ipinahayag din ang panawagan sa mga lokal na industriya na lumikha ng mas maraming trabaho at ang patuloy na pag-anyaya sa mga dayuhang mamumuhunan upang mapatatag ang daloy ng puhunan at oportunidad sa bansa. Bagama’t positibo ang mga planong ito sa papel, nananatiling tanong kung makararating ba ang mga benepisyo sa pinaka nangangailangan—lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Agrikultural:
Hindi rin nakaligtaan sa talumpati ang sektor ng agrikultura—isang linyang paulit-ulit na isinusulong sa bawat SONA. Muli niyang ipinaalala ang matagal nang pangako ng bigas na P20 kada kilo, kasabay ng mga repormang tutulong sa mga magsasaka at mangingisda. Ilan sa mga ito ang pagbibigay ng agricultural scholarships mula sa DOST, ang pagpapatayo ng rice processing system na sasakop mula anihan hanggang bentahan, at ang pagbaba ng presyo ng baboy. Dagdag pa rito ang pagtatayo ng mga biosecure facilities, pagpapalawig ng ASF vaccine program, at pagpapatupad ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act. Nangako rin siya ng pagtatanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa at pamamahagi ng mga bangkang gawa sa fiberglass para sa mga mangingisda. Subalit gaya ng mga nakaraang taon, hindi maiiwasang itanong kung kailan maisasakatuparan ang mga ito—at kung may sapat bang sistemang susuporta sa pagpapatuloy nito.
Edukasyon:
Tinukoy rin ng Pangulo ang mga hakbang upang mapalakas ang sektor ng edukasyon. Pinangakong palalakasin pa ang ARAL Program at Early Childhood Care and Development (ECCD), at itatayo ang karagdagang 400,000 silid-aralan upang masaklaw ang lumalaking populasyon ng mag-aaral. Binigyang-diin ang pagbibigay ng bagong laptop at libreng data para sa mga pampublikong guro, karagdagang P1 bilyon para sa pagpapatayo ng mga child development centers, P600 bilyon para sa pondo ng mga paaralan at libreng kolehiyo, at P1 bilyon para sa programang nutrisyon para sa mga bata. Kasama rin sa tala ang dagdag na sahod para sa overtime at overload ng mga guro. Sa dami ng ipinangako, malinaw na kinikilala ang krisis sa edukasyon—ngunit ang tunay na tanong, ay kung kaya bang tugunan ito ng kasalukuyang badyet at estruktura.
Kalusugan:
Sa usaping kalusugan, muling iginiit ang layuning magkaroon ng doktor sa bawat lungsod at bayan—isang pangakong inulit ngayong taon. Kabilang sa mga hakbangin ang pagpaparami pa ng mga imprastruktura sa mga health facilities, at ang integrasyon ng Medical Assistance Program (MAP) sa eGov App upang mas mapabilis ang serbisyo. Habang inaasahan ang mas digital na serbisyo’t mas marami pang health workers, hindi rin malinaw kung paano ito isasagawa sa mga liblib na lugar na hirap pa rin sa access sa batayang pangkalusugan.
Hustisya:
Hindi rin pinalampas sa SONA ang mga isyung may kinalaman sa seguridad at hustisya. Kasama rin sa plano ang mas pinaigting na presensya ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan, mas mabilis na pagtugon sa mga sakuna, at tuloy-tuloy na operasyon laban sa mga sangkot sa droga—maliit man o malaki. Pinapurihan din niya ang kooperasyon ng AFP, PNP, at mga dating rebelde upang tiyakin ang kaayusan sa rehiyon ng BARMM. Ngunit gaya ng maraming naunang pangako, nananatiling hamon ang pagpapatupad ng mga ito sa gitna ng kakulangan sa pondo, tauhan, at tiwala ng mamamayan sa sistemang legal at pangkapayapaan.
Ngunit ang aral mula sa mga nakaraang SONA: malinaw na sapat ang boses at data—kailangan din ang konkretong estratehiya at sistematikong implementasyon upang isakatuparan ang mga planong ipinahayag.
Pagtimbang:
Sa muling pagbubulaslas ng mga plano, tagumpay, at paninindigan ng administrasyon, mahalagang pagtimbangin ang mga bagay-bagay bilang hakbang patungo sa tinatawag na “Bagong Pilipinas.” Tinalakay sa talumpati ang pangakong pag-unlad, pangangalaga sa kalikasan, kaligtasan ng mamamayan, at katatagan ng hinaharap. Ngunit gaya ng itinuro ng kasaysayan, ang halaga ng isang SONA ay hindi nasusukat lamang sa mga binigkas, kundi sa mga hakbang na isinunod.
Sa tuwing idinaraos ang SONA, naipaaalala ang tungkulin ng pamahalaan na mag-ulat, magpaliwanag, at managot sa taumbayan. Paulit-ulit ang mga naging tema sa mga nagdaang taon—pag-angat ng ekonomiya, pagbabawas ng kahirapan, pagpapaunlad ng imprastraktura, at pagpananatili ng seguridad. Ngunit nananatiling tanong kung paano ito isinasalin sa konkretong benepisyo para sa karaniwang mamamayan.
Sa kabila ng mga positibong datos na inilahad—tulad ng pagbaba ng inflation, pagpapatuloy ng mga proyektong pang-imprastraktura, mga reporma sa sektor ng edukasyon at kalusugan—patuloy ang pagsusuri kung gaano kalawak ang naabot ng mga ito. Habang binanggit ang pagbaba ng antas ng kahirapan, hindi tiyak kung ramdam ito sa mga komunidad na pinakamalayo sa sentro. Habang tinutulak ang digitalisasyon ng mga ahensya, may agam-agam kung naaabot nito ang mga lugar na salat sa internet access. Sa bawat numero, may mga karanasang hindi basta-basta nasasaklaw ng estadistika.
Sa kabilang banda, may ilang isyung hindi nabigyang pansin sa talumpati. Kabilang dito lumalalang epekto ng climate change sa mga pamayanang isla at ang paglaganap ng maling impormasyon sa social media. Ang mga usaping ito, bagama’t hindi naisaad sa SONA, ay bahagi rin ng kabuuang larawan ng kasalukuyang estado ng bansa.
Sa mga susunod na buwan, ang sambayanan—mga guro, manggagawa, estudyante, magsasaka, at iba pa—ang magpapasya kung tumutugma ang mga layunin ng pamahalaan sa aktuwal na pangangailangan sa ibaba. Ang pagsusuri ay magpapatuloy, hindi matapos ng palakpakan, kundi sa mga susunod na hakbang.
Kaya bang marinig ng mga nakaupo ang daing na inaapawan ng mga palakpak?