Nagsanib-puwersa ang Department of Tourism (DOT) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maghatid ng tulong sa mga tourism frontline worker na matinding naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at pinalakas na habagat.
Ayon sa ulat ng DOT noong Hulyo 26, tinatayang nasa 4,800 tourism workers ang naapektuhan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Negros Island Region, at Western Visayas.
Sinimulan na ng DOT ang pamamahagi ng family food packs para sa mga apektadong manggagawa.
"The livelihoods of our tourism frontline workers have been deeply affected, resulting in not only a loss of income but also diminished security for their families," ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco.
“This situation underscores the critical need for targeted assistance to these workers, who are essential to the tourism sector,” dagdag pa niya.
Nauna nang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagdulot ng malawakang pagbaha ang tatlong magkakasunod na tropical cyclone na pinalala ng southwest monsoon, kung saan 31 katao ang nasawi at 10 ang nasugatan.
Samantala, inanunsyo ng DOT na unti-unti nang ibinabalik ang mga aktibidad pang-turismo sa ilang lugar.
Sa Metro Manila, balik-operasyon na ang mga pasyalan sa ilalim ng Intramuros Administration gaya ng Fort Santiago, Casa Manila Museum, Baluarte de San Diego, Centro de Turismo Intramuros, at Museo de Intramuros.
Sa Sagada, Mountain Province, pinayagan na ang limitadong turismo kabilang ang outdoor tours at ilang spelunking activities.
Sa Abra, muling binuksan ang ilang destinasyon tulad ng Lusuac Spring, Gaco View Deck, at Ponpon Foot Bridge.
Nakatakda ring magbukas ang mga tourism activities sa Mayoyao, Ifugao simula Linggo, Hulyo 27.
Pinayuhan ng DOT ang publiko na manatiling updated sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan kaugnay ng mga destinasyong nais puntahan.