𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗲𝗲𝗷𝗮𝘆 𝗱𝗲 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Taon-taon, binibisita ng mahigit dalawampung bagyo ang Pilipinas dahil isa ito sa mga bansang may pinakamaraming bagyong nararanasan sa buong mundo. Ayon sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 20 hanggang 25 tropical cyclones ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kada taon, at lima hanggang pito sa mga ito ang malalakas at may direktang epekto sa kalupaan.
Kapag dumaan ang bagyo, nababago ang takbo ng buhay. Ulan. Hangin. Baha. Pagkawala ng kuryente. Pagkaantala ng klase. Paghahanap ng ligtas na masisilungan. May mga tahanang nawawasak, kabuhayang naaantala, at minsan, buhay na hindi na naibabalik. Sa gitna ng dilim at ulan, dama ang kaba, lalo na sa mga naninirahan sa tabing-ilog, tabing-dagat, at bundok. Ang karaniwang ulan ay pwedeng mauwi sa trahedya.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit kalahating milyong katao ang naaapektuhan ng bagyo sa loob lamang ng isang taon. Bilyon-bilyon ang nalulugi sa sektor ng agrikultura at imprastruktura. Subalit higit pa sa halaga ng ari-arian, mas masakit ang pinsalang idinudulot sa mga ordinaryong mamamayan na mga nawalan ng bahay, mga bata na nawalan ng paaralan, at mga pamilyang nagkahiwa-hiwalay.
Ngunit sa gitna ng unos, hindi nawawala ang liwanag mula sa diwa ng pagkakaisa. Laging may mga kababayang handang tumulong. Mula sa mga nag-aabot ng pagkain at tubig, hanggang sa mga volunteers na hindi alintana ang panganib sa pag-abot ng tulong. Minsan, ang mismong nasalanta pa ang unang gumagawa ng paraan upang matulungan ang mas nangangailangan. Ito ang tunay na mukha ng bayanihan ang isang likas na ugali ng Pilipino na muling nabubuhay tuwing sakuna.
Ang mga batang naglalaro sa baha, ang mga pamilyang nagsisiksikan sa evacuation center, at ang mga guro’t lider na patuloy sa pagtulong sa lahat sila ay patunay ng isang bagay na sa bawat pag-ikot ng bagyo, umiikot din ang lakas at tibay ng loob ng Pilipino.
Hindi man natin maiiwasan ang bagyo, maaari tayong matuto mula rito. Ang kahandaan ay dapat nagsisimula sa tahanan, sa paaralan, at sa komunidad. Ang simple ngunit tamang kaalaman ay maaaring magligtas ng buhay. Ang bagyo ay hindi lamang pagsubok sa panahon, kundi isang hamon sa ating pagkatao—isang pagsubok na taon-taon ay paulit-ulit nating kinakaharap at matagumpay na nalalampasan.
At sa huli, hindi ang bagyo ang magtatakda ng ating kahihinatnan, kundi ang paraan ng ating pagtindig, pagdamay, at pagbangon. Dahil sa bawat patak ng ulan, tumitibay ang puso ng sambayanang Pilipino.