Nakatayo ako sa gitna ng dalawang mundo na hindi maaaring magtagpo, hawak ang kamay ng taong nagparamdam sa akin kung paano mahalin ang sarili ko, habang sa kabilang banda ay naririnig ko ang tinig ng mga nagpalaki at bumuo sa akin. Kung saan ang pag-ibig ay dapat na nagdiriwang, ako'y nakakulong sa pinakamalupit na tanong: mahal ko o mahal ako?
Ang mga mata mo ay nagbibigay sa akin ng kapayapaang matagal ko nang hinahanap—ang mga ito ay kasing ganda ng buwan na hinahangaan ko. Nakikita ko ang sarili ko kapag nakikita ko kung paano mo ako titigan gamit ang mga matang 'yan—ang tunay na ako. Dahil sa'yo, nagkaroon ako ng lakas huminga dahil ikaw ang pahinga ko. Sabi nila ang pag-ibig ay parang isang laro, pero sa piling at mga yakap mo, ang bawat segundo ay isang patunay na ang pagmamahal ay totoo. Pinili mo akong mahalin, at sa bawat pagpili mo, para akong nabubuhay nang panibago kahit na magkapareho tayo ng kasarian.
Sa tuwing hinahawakan mo ang aking kamay, nararamdaman ko ang bigat ng lihim na binuo ng lipunan—isang lihim na nagsasabing ang pag-ibig natin ay mali, na ito ay isang kahihiyan. Nakikita ko ang aking magulang sa likod ng aking isipan, kung paano nila ako minahal noong bata pa ako hanggang ngayon, nagbibigay sa akin ng lilim sa aking paglaki. Ngunit ang kanilang pagmamahal ay may kundisyon, isang tuntunin na hindi ko talaga kayang sundin, ang pagtalikod sa taong nagbigay-kulay sa aking mundo. Mga salita nila'y parang kutsilyo na hinahagis sa aking pagkatao, nag-uutos na piliin ko sila, na piliin ko ang "tama", na piliin ko ang landas na kanilang minamahal.
Paano ko pipiliin ang isa sa inyo? Paano ko matitiis ang mundong ito, na wala kayong dalawa? Wala na akong ibang maisip kundi ang sakit ng pagpili, at sa sakit ng pagtalikod sa isang bahagi ng aking sarili. Pipiliin ko ba ang pagmamahal na aking pinahalagahan, o ang pagmamahal na nagbigay sa akin ng sarili ko?
Kung pwede pa lang sanang piliin ko kayong dalawa.
Alam ko na kung ano ang mangyayari sa huli, pareho lang tayo masasaktan dahil sa mundong ito, ang pag-ibig natin ay mali, kahit na bumibigay ito ng kulay sa aking mundo. Nakikita ko na ang pag-ibig ay hindi lang naliligtas; minsan, ito rin ang pumapatay. Tanging alam ko na lang ay ang bawat desisyon ay magdadala ng isang uri ng kalungkutan na hindi kayang unawain ng mundo.