via Zyra Patosa, Pressroom PH
Tanaw ko ang dugo't pawis na inilaan ng mga magsasakang maghapong nasa palayan.
Kahit pa matirik, masakit ang araw at nakasusunog ng balat ang kaniyang sinag, walang tigil pa rin sa pagkayod at pagpapakapagod ang mga magsasakang kabutihan ang hangad at nagtatrabaho nang may dangal.
Ang makapaghanapbuhay at makaranas ng seguridad sa pagkain kahit panandalian lamang ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi alintana sa kanila kung ilang baldeng pawis at luha na ang pumatak.
Walang reklamo, walang karaingan.
Purong tiyaga at determinasyon lamang.
Kaya't hindi ako magtataka kung bakit saludo at respeto ang tugon sa kanila ng may mabubuting puso, ngunit ang mundo'y puno pa rin ng kapintasan.
Hindi nagkakasya para sa kanilang mga pamilya ang presyo ng palay na nananatiling mababa, sa kabila ng kanilang tiyaga.
Minsan ko nang naitanong sa sarili ko, hindi ba sila nagagalit? Hindi ba sila naiinis? Hindi ba sila nayayamot sa sistemang kasuklam-suklam?
Sa halip na sila'y magkaroon ng sapat na pagkain sa hapag, sila'y sinikil, pinahirapan, binastos, at nilapastangan, dulot ng sistemang baluktot na walang kasiguraduhan kung maaagapan.
Alam kong mulat sila.
Marahil sila'y napalilibutan lamang ng mga rehas.
Rehas na hindi natin lubusang nakikita.
Rehas ng mga pagbabanta, panganib, at pananakot—na sana ay malutas, matigil, at matugunan na.
Sana nga, mabigyan sila ng pantay na karapatan.
Sana nga, mabigyan sila ng benepisyong nararapat.
Sana nga.
Sana nga marinig na rin sa wakas ang kanilang mga daing at panaghoy.