"Nakaupo ka lang naman, bakit ka napapagod?"
Isang tanong na ang bawat bigkas ay may sakit at tusok, para bang pinapahiwatig na wala kang karapatang mapagod sapagkat hindi ka naman gumagalaw. Pero paano kung ang pagod ay hindi sa katawan, kung hindi sa isip na paulit-ulit na nagbibilang ng pagkukulang? Sa kagustuhan na makahanap ng kapayakan para sa sarili? Sa kaluluwang pilit na bumabangon, kahit na hindi alam kung bakit.
Sa mundo ng mag-aaral, tahimik ang pagod. Hindi ito sumisigaw, pero sa bawat likod ng notebook, nandoon ang buntong-hininga ng hinaing at pagod. Sa mga matang nakatitig sa screen, hindi dahil naiintindihan ang mga aralin, kundi dahil sinusubukang huwag malunod sa takot—takot ng pagkabigo. Sa mga sagot na “okay lang” kahit na ang totoo’y hindi na alam kung saan magsisimula ang hindi okay.
Ang pagod ng mga estudyante ay hindi laging may marka. Wala itong grado, wala itong sertipiko. Pero ito ang pagod na bumubuo ng gabi, pagod ng pag-aaral habang may iniisip na problema sa bahay. Ang pagod ng pagsusulat ng essay habang hinahanap ang sariling halaga. Ang pagod ng pakikisama, ng pag-iwas sa breakdown, ng pagharap sa mundo kahit gusto na lamang matulog
May puwang ang ganitong pagod. Sa mga tula ng kabataan, sa mga kwentong hindi natatapos, sa mga pahinang puno ng salitang “sana”. Dito, natututo tayong makinig, hindi sa ingay, kundi sa katahimikan. Sa mga espasyong walang salita, pero puno ng damdamin. Sa mga estudyanteng tila nakaupo lang, pero sa loob ay may digmaang tila hindi maipaliwanang
Ang tunay na tanong ay hindi “bakit ka napapagod?”—kung hindi: “anong klaseng pagod ang pinapasan mo?” Dahil sa bawat pagod ay may tinig. At sa tinig na iyon may pag-asa, sa pag-unawa, sa paglapit ng loob, sa pagbibigay-puwang sa katahimikan, may lakas tayong muling mabubuo.
Kaya ang dapat nating itanong ay: “sa pag-upo mo, anong klaseng pagod ang pinapasan mo?”