Aking sinta,
Sa harap ng Maykapal at ng ating mga minamahal,
ako’y nangangakong mananatili sa’yo.
Sa bawat yakap at halik ng kamaong aking sinasamo;
sa bawat haplos at hagupit ng tinig,
sa mala-elehiyang mga liriko.
Kung ang mga gabing ang luha ang aking kayakap;
mga sandaling hapdi ang tanging kausap,
ang siyang panata sa langit ng ating sakramento.
Sa gitna nitong impyerno, ikaw pa rin ang pipiliin ko.
At kung ang aking katahimikan ay siyang kabanalan,
ititikom ang bibig para sa’ting pagmamahalan.
Ang tanging ibibigkas ay ang aking pangako:
Sa hirap at ginhawa,
sa lungkot at ligaya,
sa sakit at kalusugan
Hanggang kamatayan–ikaw ay aking sasamahan.
Sapagkat mungkahi nilang ang pinagbuklod ng Diyos,
ay huwag paghiwalayin ng sinuman.