Kinansela na ang rehistro ng Duterte Youth Party-list matapos pagtibayin ng Commission on Elections (COMELEC) en banc ang naunang desisyon na nagbasura sa kanilang akreditasyon.
Sa inilabas na resolusyon nitong Agosto 29, ibinasura ng en banc ang mosyon ng grupo na muling buksan ang kaso, dahilan upang maging pinal ang pagkakakansela ng kanilang rehistro.
“It is evident that the Motion failed to raise any valid or substantial ground to warrant a reconsideration of the Assailed Resolution,” ayon sa pahayag ng komisyon.
Ang kaso laban sa Duterte Youth ay nag-ugat sa petisyon ng ilang kabataan noong 2019 na iginiit na hindi nakapagsumite ng kumpletong mga rekisito ang grupo para makuha ang akreditasyon bilang party-list.
Idiniin ng en banc na walang makabuluhang argumento ang Duterte Youth na maaaring magpabago sa naunang hatol.
Kasama rin sa mga dahilan ng pagkakakansela ang en masse withdrawal at substitution ng kanilang mga nominees noong 2019.
Binanggit din ng COMELEC na walang prescriptive period sa pagkansela ng party-list registration kaya’t maaaring aksyunan ang mga paglabag anumang oras.
Sa pasyang ito, tuluyan nang hindi kikilalanin bilang lehitimong party-list ang Duterte Youth at hindi na ito maaaring sumali sa mga susunod na halalan.