via Ruztom K. Lamundao, Pressroom PH
Tulong!
Gusto ko nang kumawala sa kamay ng mga naghaharing-uri bilang alipin,
Ngunit hindi ito maaaring gawin,
Dahil may mga mahal ako sa buhay na umaasa sa’kin.
Gusto ko nang putulin ang mga tanikalang nakatali sa akin,
Subalit, hindi iyon ganoon kadali.
Lalo na’t ito lamang ang tanging bumubuhay sa akin—
Tanging lakas-paggawa lamang ang kaya kong ialok
Sa lipunang pinakikinabangan ng mga naghaharing-uri.
Pigang-piga na ako,
Lalo na’t isa ako sa mga pinagsasamantalahan sa lipunang ginagalawan ko.
Alam kong hindi ko kasalanang ipanganak sa ganitong sistema,
At higit pa, maraming salinlahi na rin ang dumaranas nito.
Hindi ko pa magagawa ngayon
Ang kumawala sa tanikalang nakapulupot sa akin.
Ngunit darating ang panahon na sama-sama tayo,
Babagtasin natin ang mga bagay na pumipiit sa atin.
Hindi ka nag-iisa sa laban na ito.
Sabay-sabay tayong kikilos upang balikwasin ang sistema.
Maaaring bukas, makalawa, o baka ngayong araw mismo—
Makakamit natin ang tagumpay sa aklasang gagawin natin.