Ako si Natoy, kilala noong elementarya bilang matalino.
May kumpiyansa ang kilos ko, tila alam ko na agad ang kalalabasan ng bawat pagsusulit.
Ngunit, hindi ako isinilang na may sagot sa lahat;
ito’y bunga ng bawat umaga na kasabay ang pagdilat ng araw,
ako’y gising na—nagbabasa, humahawak ng mga pahina na amoy tinta at papel.
Ngunit pagdating ng high school, hindi na ganoon kabilis sumayaw ang mga letra.
Kahit ilang ulit kong basahin, may mga talatang nananatiling banyaga.
Unti-unti akong napapagod—hindi lamang katawan, kundi puso’t isipan.
Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko na nakita ang pangalan ko sa unahan ng talaan.
Mula una, naging ikalawa, hanggang sa minsa’y ikalima.
Parang bawat pagbaba ay paghubad ng balat ng pagiging “laging una.”
At sumunod ang mga tanong: “Bakit? Ano’ng nangyari sa’yo?”
Ngunit paano ko masasagot, kung kahit ako’y hindi ko alam?
Ang alam ko lang—ako’y napagod
sa walang katapusang habol sa sukdulang hindi ko na makita.
Hanggang dumating ang araw—hawak ko ang marka,
at sa unang pagkakataon, nasa harap ko ang gradong 82.
Tahimik ang paligid, maliban sa pintig ng puso ko.
Umiyak ako, hindi sa harap ng iba, kundi sa loob ko—
na para bang kandilang unti-unting humihina ang liwanag.
Ngunit ang walo ay nagkuwento:
“Huwag mong sukatin ang sarili
sa taas ng marka.
Hindi sa lahat ng bagay ikaw ang pinakamagaling,
at hindi sa lahat ng pagkakataon
ikaw ang nasa unahan.”
Noong una, hindi ko kayang tanggapin.
“Sino ako kung hindi puro nobenta ang grado ko?”
Nag-aaral naman ako nang mabuti… hindi pa ba iyon sapat?
Makalipas ang ilang buwan, at ilang gabing may luha sa unan,
natutunan ko ring tanggapin: “Hindi ako perpekto.”
At sa totoo lang, hindi ko kailangang maging perpekto.
Ngayon, sa tuwing nakikita ko ang line of 8, hindi na ito pahina ng kahihiyan—
kundi alaala ng araw na natutunan kong bumangon.
Na sa bawat pagkukulang, may puwang para matuto.
Sa bawat pagkatalo, may lakas para sumubok muli.
At balang araw, hindi mahalaga kung una, ikatlo, o ikalima ako.
Mas mahalaga na patuloy akong bumabangon—
hindi para sa iba, kundi para sa pangarap na tunay na mahalaga.