via Jevin Alfred Follante, Pressroom PH
Tahimik ang damdamin sa tuwing ika’y tanaw,
tila hanging dumaraan—dumarampi’t dumadalaw.
May mga titig kang hindi ko mabatid,
Tila parang lihim na hindi kayang masambit.
Hanggang ngayon ako’y nagbibilang ng araw,
kung kailan ako'y matitigan, kahit sa gilid lang ng tanaw.
May mga ngiting sa puso ko'y umuukit,
ngunit di ko maipinta, di ko maipahiwatig.
Ewan ko kung ako'y iyong namamalayan,
o ako lang ba ang sa'yong nag-aaksaya ng paraan?
Sa bawat hakbang mo, mundo ko'y humihinto,
nang hindi mo alam, puso ko'y kumakabog ng todong-todo.
Ako'y nananatili sa anino ng aking dasal,
umaasang minsan, damdamin ko'y 'yong madadalang.
At kung hindi man ako kailanman mapansin,
sapat nang minsan, ika’y naging tula para sa akin.