via Zyra Patosa, Pressroom PH
Naranasan mo na bang kabahan sa isang papalapit na kompetisyon ngunit ika'y nag-alinlangan at pinili na lamang na umatras?
Naranasan mo na bang tumadyak-tadyak habang binibigkas ang mga katagang "Sayang, sana pala sinubukan ko!”
At naranasan mo na rin bang lumingon pabalik sa isang oportunidad na minsan nang lumapit sa'yo, ngunit hindi mo sinubukan?
Hindi dahil wala kang kakayahan, kundi dahil ika'y natatakot na magkamali, mapahiya, at mabigo ang mga taong tumitingala sa'yo.
Halos lahat tayo'y nakaranas na nito.
Sa mala-karerang buhay ng tao, maraming nasasayang na pagkakataon. Sila'y dumapo na sa ating mga kamay. Pintuan na mismo ang lumapit sa atin, subalit, hindi tayo sumubok na kumatok at pumasok sa lagusang pakiramdam nati'y nakakatakot.
Ngunit paano ka matututo kung hindi ka tatapak sa daang bago lamang para sa mga mata mo?
Hihintayin mo na lamang ba na ika'y dalawin ng pagsisisi? O pagsisisi na mismo ang sisigaw sa'yo para lamang mapagtanto mo na "sana pala sinubukan ko, hindi siguro ganito ang naging buhay ko."
Mabilis gumalaw ang oras, kaya kung mayroon mang dumating sa'yo, subukan mo. Kung natatakot ka't kinakabahan sa daang tatahakin mo, mas lalo mong tatagan ang iyong loob at piliin pa ring magpatuloy kahit hindi sigurado't klaro sapagkat mas mahirap ang malamon ng pagsisisi't paghihinayang sa huli.
Hindi bale na kung ikaw ay ilang beses nang nasubsob—matuto ka pa ring tumayo, pagpagan ang tuhod at humakbang muli.
Dahil ang buhay ay sadyang mapaglaro. Babatuhin at babatuhin ka talaga, sa ayaw at sa gusto mo.