May silid pa ba para sa aking pangarap,
kung bawat piso’y sa bulsa nila nasasadlak?
Ako'y kabataang patuloy na umaasa,
ngunit ang kaban ng bayan sa bulsa nila'y napupunta.
Mga pader ng paaralan, sa isip ko'y buo,
ngunit sa totoo, gumuho’t naglaho.
Ang pondong inalay, saan na napunta?
Sa bulsa ng buwaya, hindi sa aming mga bata.
Nasasaktan ako sa bawat pagkukulang,
habang sila'y sagana sa maling kasaganaan.
Sa silid na wala, ako'y nakalugmok,
at sa aking mga pangarap, dahan-dahang nauupos ang apoy at usok.
Kaya't tanong ko'y paulit-ulit kong inuusal:
may silid pa ba para sa pangarap kong dasal?
At kung wala, ako'y gagawa ng tahanan,
silid ng pag-asa sa sarili kong kamay lilikhang tuluyan.
Dahil wala akong maasahan sa kanilang salita,
Pangako'y hungkag, paulit-ulit na gawa-gawa.
Sa sariling lakas ako'y magtataguyod,
Silid ng pangarap ko'y ako mismo ang huhubog.