Inatasan ng Archdiocese of Ozamis ang pansamantalang pagsasara ng Parish Church of St. John the Baptist sa Jimenez, Misamis Occidental matapos diumano’y dinuraan ng isang vlogger ang banal na tubig sa loob ng simbahan.
Ayon sa ulat, isang 28-anyos na babaeng vlogger ang diumano’y dumura sa holy water font habang kinukunan ng video ang kanyang vlog noong Linggo.
Ang vlogger, na may humigit-kumulang 115,000 followers dahil sa kanyang mga nakakatawang content, ay agad binura ang video matapos itong umani ng batikos.
Nagpahayag ng matinding galit ang mga miyembro ng parokya na itinuturing ang ginawa bilang isang paglapastangan sa kanilang banal na lugar.
Noong Martes, kinondena ni Archbishop Martin Sarmiento Jumoad ang insidente at tinawag itong isang "mabigat na kasalanan laban sa kabanalan ng mga sagradong bagay."
Iniutos ng Arsobispo ang pansamantalang pagsasara ng simbahan hangga’t hindi pa isinasagawa ang pastoral na pagsusuri at mga gawaing penetensyal.
Nakatakdang ganapin ang isang Holy Hour of Adoration at Solemn Confessions sa darating na Agosto 7, alas-3 ng hapon, bilang pagtitika.
Pinaalalahanan din ng archdiocese ang mga mananampalataya na igalang ang mga sagradong bagay.