𝘃𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗔𝗹𝗳𝗿𝗲𝗱 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲
Mahigit 500 manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang sasabak sa Philippine National Badminton Open (PNBO) 2025, na gaganapin sa Hulyo 7–12 sa Rizal Memorial Complex, kung saan nakataya ang ₱1 milyon premyo at pambihirang pagkakataon na makapasok sa national team.
Ang PNBO, na itinuturing pinakaprestihiyosong torneo ng Philippine Badminton Association (PBAD), ay isang Super 1000 ranking event na nagsisilbing pangunahing daan para sa mga manlalaro na nais makamit ang puwesto sa pambansang koponan.
“It’s the biggest source of points in our local ranking system, so if you want to earn a shot in the national team, this is it,” ani PBAD secretary general, Carla Lizardo-Sulit.
Inaasahang muling magpapakitang-gilas ang mga kampeon ng nakaraang edisyon gaya nina Jewel Albo sa men’s singles, Mika De Guzman sa women’s singles, at ang mga double champion na sina Ariel Magnaye at Christian Bernardo, kasama sina Lea Inlayo at Nicole Albo.
Hindi rin magpapahuli ang mixed doubles tandem na sina Bernardo at Alyssa Leonardo na siyang naghari noong nakaraang edisyon.
Bukod sa karangalan at cash prizes, layunin din ng PBAD na paghandain ang mga atleta para sa mas matataas na entablado tulad ng Olympics.
“At the end of the day, our goal is to have a badminton Olympian by Los Angeles 2028,” dagdag ni Lizardo-Sulit.