𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗼𝘃𝗲𝗹𝘆𝗻 𝗟. 𝗟𝗮𝘀𝗮𝗺, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀
Liwanag sa daang tinatahak ng mga bagong pasahero ng kolehiyo.
Sa dilim ng kalsadang tinatahak, sa lubak na daang patuloy na sinusuyod— liwanag ng matatag na bumbilya sa kalye ang tanging tanglaw. Tahimik itong nakasabit sa itaas, tila walang imik, ngunit buong tapang na nagliliwanag para sa mga lumalakad sa gitna ng pangarap, nagtuturo sa direksyong gustong marating.
Gaya ng bumbilyang iyon, may mga estudyanteng patuloy na sumusulong kahit tagaktak ang luha, kahit bahagya na lamang ang lakas. Hindi naging hadlang ang umagang binibilang ang barya sa bulsa, ni ang gabing pinupuno ng katahimikan ng silid na nirentahan.
Malabo mang mangarap nang mataas dahil sa reyalidad ng buhay, hindi ito sapat para pigilan ang mga pusong kumakapit sa pag-asa at may pinapakinggang mithiin. Lalo na para sa mga estudyanteng piniling iwan ang kanlungan ng tahanan, at yakapin ang panibagong mundong tinatawag na kolehiyo— mundong puno ng bagong takot, bagong hamon, at mga lungkot na ngayon pa lamang sumisilip sa kanilang buhay.
“Culture shock at its finest,” biro ng ilan, ngunit para sa marami, isa itong katotohanang sumasalubong sa bawat gising. Hindi lang bahay ang iniwan, maging ang dating katahimikan, ang sariling kwarto, at ang tinig ng magulang tuwing umaga— lahat ay pansamantalang nilisan.
Aninong Nag-iisa
Sa taas ng pangarap, tila kay hirap itong abutin — hindi dahil sa layo, kundi dahil sa bigat ng bawat hakbang.
Kasabay ng ingay ng bawat busina sa daan ay ang tahimik na panalanging “sana weekend na.” Panalanging sana maka-uwi na, upang lasapin anh nilutong paborito sa mesa, at sana kahit sandali, mabura ang pagod at magpahinga sa kanlungan ng magulang.
Sa bawat pagbagtas sa kalsadang madilim, makikita ang aninong naglalakad mag-isa— hindi dahil iniwan, kundi dahil pinilibg magpatuloy patungo sa panibagong yugto ng buhay.
Katumbas ng Liwanag
Sa gitna ng karimlan, may mga pangarap na kumikinang. Bitbit ang pag-asang pilit binubuhay ng bawat paghinga, bawat recitation kahit nanginginig, at bawat pagsubok na pinipilit lampasan kahit nanghihina.
Magkakaiba man ng kurso, magkakalayo man ng silid at oras, iisa ang dalang mithiin, makapagtapos. Sa dulo ng lahat, iisang toga ang gustong isuot — ang kapalit ng unipormeng minadaling plantsahin, ng ID na isinuot habang tumatakbo sa 7 am na klase.
Nagsisilbing ilaw ang baon nanpangarap para sa madilim na daang tinatahak ng mga kakaapak pa lang sa bagong yugto sa kolehiyo. Pangarap na kahit kay hirap abutin ay nagagawang hagdan ang pag-asang mararamdaman din ang haplos ng malamyos na tinig na nagtatawag sa ating makarating sa hinaharap.
Bawat bumbilyang buhay, mga pangarap na hindi namamatay, iyan ang gabay sa buhay kolehiyo upang malalampasan ang lubak na daan at mararating ang bungad ng bagong yugtong may titulong tiket sa darating na maginhawang hinaharap.