Back to News
Literary

Pumunta ako sa parke nang mag-isa

17 days ago
3 min read
Pumunta ako sa parke nang mag-isa

𝗩𝗶𝗮 𝗥𝗲𝘂𝗯𝗲𝗻 𝗜𝗻𝗻𝗼𝗰𝗮𝗻𝗱𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀

Tahimik ang araw ng Linggo—walang nagsabi sa akin na pumunta roon sa parke, basta naglakad lang ako at huminga nang malalim. Walang nag-aya, wala ring naghihintay sa akin. Basta't naramdaman ko na kailangan kong humiwalay.

Nakakapanghina ang katahimikan ng hapon na iyon. May mga batang nagtatakbuhan, nagtatawanan, nagkukulitan, at nagsisigaw. May mga magkasintahang magkahawak ang kamay. May matandang nagpapalipad ng lobo, may iba namang nagpapagala ng mga aso. Pero sa gitna ng mga buhay na gumagalaw, ng mga halamang pilit na bumabawi mula sa init ng araw—heto ako, umupo sa upuang nag-iisa. Habang tinatakpan siya ng malaking puno. Pag-upo ko, naramdaman ko agad ang bigat—ramdam ko ang katahimikan, pero sa loob-loob ng isipan ko, gumugulo ang hinagpis ng pagod—natutulala na lang ako...

Pagod ako.

Hindi sa paglalakad sa parkehan, hindi sa pag-aaral o pag-aasikaso ng kailangan—kundi sa paulit-ulit na umagang nararapat kong ibangon. Sa bawat araw na pinipilit akong ngumiti para sa mga taong umaasa at naniniwala—na kahit ako mismo, bilang ako, hindi ko na alam kung saan ko pa kukunin ang lakas sa pagbangon. Ayan ang nasa isipan ko habang nakatingin sa mga batang naglalaro, habang ang mga mata’y pinipigilan ang pagluha at habang ang bibig na pilit pinipigilan ang paghikab.

Nakita ko ang isang paru-paro sa gawing kanan ng puno—sa sigla niyang paglipad—inggit ang naramdaman ko. Naalala ko ang mga panahong punong-puno ako ng pangarap. Puno ng malawak na isipan at lakas-loob sa pagbangon para sa umagahan. Sumasayaw pa sa tugtugin ni Nanay na Cha-cha, dama ko pa noon ang maghapon na puno ng sigla. Subalit nagulat ako nang manahimik ang paru-paro, naisip ko bigla na—siguro napagod na rin siya sa paligid niya.

Napatingin ako sa paligid. Ang batang kanina’y masayang humahagikgik—ngayon ay umiiyak na habang tinatapik ng kanyang ina. Ang lobo ng matanda, pumutok. Ang magkasintahan, hindi na nagkakatinginan. Ang aso, tila pagod na rin sa pagtakbo.

Sa isang iglap, parang lahat ay huminto. Parang lahat ay biglang napagod. Doon ko naisip—hindi lang pala ako ang napapagod. Baka lahat kami rito, may kanya-kanyang dalang bigat. Pero kahit ganon, hindi pa rin nawala ang bigat sa dibdib ko. Parang mas lalo pa ngang bumigat, mas lalo akong napagod—mas lalo akong nagduda.

Tumayo ako, dahan-dahan. Lumakad palayo mula sa upuang katabi ng puno. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, pero ang alam ko—hindi ko na kayang manatili sa lugar na kahit puno ng buhay, ay paulit-ulit ko pa ring nararamdaman ang pagiging mag-isa.

Sa gitna ng parke, habang papalubog ang araw at ang hangin ay unti-unting lumalamig, naglakad ako saglit—at kalauna’y umalis na rin.

Hindi dahil tapos na ang pahinga—kundi dahil masyado na akong matagal na nakatulala, sa isang lugar kung saan wala namang naghihintay, walang umaasa, walang pangarap na buo—kundi kalungkutan lang.

About the Author

C

Carl Louise Romales

Carl Louise Romales is a an incoming College student and a campus journalist with a strong interest in journalism and web development. He crafts newsworthy articles and develop websites to communicate ideas effectively and engage audiences through digital platforms. He seeks to echo the voices of the unheard and use his skills to bring attention to stories that matter.

You Might Also Like

𝗖𝗮𝗿𝗽𝗲 𝗗𝗶𝗲𝗺: The Art of Living Now

In a world drunk on tomorrow, we forget the perfume of today. We chase shadows of what might be, while the warm sunlight slips through our fingers silently.

I Thought 18 Would Feel Different

They said when you turn 18, everything changes. Like the world would greet you with open arms, like responsibilities would finally feel empowering, like you’d wake up with a roadmap, a vision, a fire in your chest.