𝘃𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗔𝗹𝗳𝗿𝗲𝗱 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲
Inilunsad sa Intramuros ang “Spike for a Cause,” isang fundraising dinner at fashion show na layong suportahan ang Alas Pilipinas at ang gaganaping FIVB Men’s World Championship ngayong Setyembre.
Binigyang-diin ni Senador Alan Peter Cayetano na ang sports ay mahalagang kasangkapan sa paghubog ng disiplina, sakripisyo, at bayanihang kinakailangan para sa isang matatag na lipunan.
“It’s also about nation-building,” ani Cayetano, na co-chair ng local organizing committee (LOC) at chair emeritus ng Philippine National Volleyball Federation.
Paliwanag pa ng senador, ang mga pinahahalagahang asal sa palakasan ay sumasalamin sa pundasyong kailangan hindi lamang sa mga atleta kundi sa pamilya, paaralan, at buong komunidad.
“Every single value that we want for our nation is found in sports—teamwork, discipline, sacrifice,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sina Presidential son William Vincent Marcos, Tourism Secretary Christina Frasco, at incoming Philippine Sports Commission chief Patrick Gregorio bilang bahagi ng LOC.
Sina Senadora Pia Cayetano, Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino, at sports patron Manny V. Pangilinan naman ang bumubuo sa LOC board.
Binanggit din ni Cayetano ang kahalagahan ng sports bilang alternatibo sa droga para sa kabataan, sabay pasasalamat sa mga partner mula sa mundo ng negosyo at fashion.
“Whether it’s the SEA Games, basketball or volleyball, we will showcase the best of the Filipino,” aniya habang humihiling ng panalangin para sa kapayapaan at tagumpay ng torneo.
Itatampok sa FIVB Men’s World Championship ang 32 bansa at gaganapin ito sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena ngayong Setyembre.