via Alleya Krisha Naveros, Pressroom PH
Tuwing nasisilayan ko ang mga batang kay saya sa piling ng kani-kanilang ama, tila lalo kong nadarama ang init na ‘di kailanman dumampi sa aking kaluluwa. Sa bawat halakhak na sumasayaw sa hangin, sumisiksik sa dibdib ang pait na kay hirap alisin, at sa bawat pikit ng mata, ako’y patuloy na nagtatanong kung darating pa ang araw na malalasap ko rin ang ganoong saya.
Lumaki akong kaagapay ang katahimikan. Wala akong naririnig na tinig na tumatawag sa aking pangalan sa paraang puno ng pagmamahal. Wala akong naramdamang kamay na hahawak sa akin kapag ako’y natatakot. Sa bawat paggising ko sa umaga, palaging may puwang na walang nakakukumpleto.
Minsan naiisip ko, paano kaya kung naroon ka? Siguro mas magaan ang bawat hakbang. Siguro mas maliwanag ang bawat gabi. Siguro natutunan kong tumawa nang walang takot at umiyak nang may sasalo sa akin. Ngunit sa halip, natuto akong kumilos mag-isa, natutong tiisin ang bigat na hindi ko naman ginusto.
Bawat pasko, may bakanteng upuan sa gitna ng handaan. Bawat kaarawan, may katahimikang humahalo sa kantahan. Kahit sa mga simpleng sandali gaya ng pag-uwi mula sa paaralan o pag-abot ng munting tagumpay, wala ka pa rin doon.
Ngunit kahit paulit-ulit kong tinatanong kung darating ka pa, may mumunting pag-asa pa rin na kumakapit sa akin. Umaasa akong balang-araw mararamdaman ko rin ang yakap na matagal ko nang hinihintay. Hanggang sa dumating ang araw na iyon, mananatili akong batang nananabik sa ama na kailanman ay hindi ko nakasama.