Nalalapit na ang katapusan ng buwan—ibig sabihin, singilan na naman. Hindi ko pa nahahawakan ang suweldo ko pero nagbabadya na ang bayarin sa renta, kuryente, tubig, at ipadadala sa pamilya.
Problema ko na naman kung paano pagkakasyahin ang aking sahod sa walang katapusang pangangailangan na kailangan kong tustusan.
Nako, ubos na rin pala ang mga pinamili ko noong nakaraang linggo. Wala ng de lata na natira, at tatlong takal na lamang ng bigas ang pagkakasyahin ko sa hindi ko alam kung gaano katagal.
Sabi nila, masaya raw kapag may trabaho na.
Kasi kaya mo na raw suportahan ang sarili mo. Makabibili ka na raw ng mga nais mong kagamitan, makakakain na sa kung saan-saan, at marami pang iba.
Pero bakit parang kabaliktaran naman? Hindi nila sinabi na ganito pala kahirap. Na para makakuha ng pera, kinakailangang isakripisyo ang kaginhawaan at pahinga.
Walong oras sa isang araw para sa iilang daang piso lamang. Dahil hindi pa sapat ang sahod na nakukuha ko, madalas ay nag-o-overtime ako.
Dagdag na ilang oras na kasabay rin ng dagdag na pagod, kapalit ng munting dagdag sa sahod; may mga pagkakataon pang tanging “Salamat” na lamang ang ibinabalik sa akin.
Pero hindi pa rito natatapos. Kung susumahin pa ang oras na nagugugol sa mahabang paghihintay ng pampublikong sasakyan, pakikipagsiksikan, pagbiyahe papunta sa trabaho, at pabalik sa bahay, tila nagiging saglit na pahingahan na lamang ang tahanan.
Sandaling paghinga bago muling sumabak sa panibagong araw ng pagpasok.
Lahat ng klaseng hirap kapalit ng sahod na saktuhan lamang—madalas ay kulang na kulang pa para maitawid ang isang buwan.
Hay, buhay.
Ano kaya ang mangyayari sa Pilipinas kapag tuluyan nang sumuko ang mga manggagawa?
Hindi ko matukoy kung sino ang sisisihin, ang gobyerno ba o ang mga kumpanya. Ngunit kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, hindi tayo kailanman aangat.
Pagod na ako. Hindi ko na alam kung hanggang kailan ko pa kakayaning magpatuloy sa ganitong buhay.
Siguro, hanggang sa oras na magbago ang sistema—iyon ay kung hindi maunang sumuko ang aking katawan mula sa pagod at puyat dala ng labis-labis na pagbabanat ng buto para sa trabahong hindi naman sapat ang sahod at benepisyo.
Hindi ko na alam kung ano ang kinabukasang aabangan ko. Ngunit patuloy akong aasa na sana, balang araw, makahinga na ako nang maluwag at makatulog nang walang pangamba.
At sana, pagdating ng panahon, matumbasan na ng mataas na sahod ang dinadanas kong malalang pagod.