“Pagbilang ko ng sampu, nakatago na kayo.”
Isa. Bakit hindi na kita muling nakita? Hindi ko na nasilayan pa ang mapula mong labi na maglabas ng kinagisnan mong salita? Tila alon nalang ito sa sariling karagatan na tinangay kasabay ng malakas na hangin ng mga banyagang nagdulot ng iyong pagkalimot.
Dalawa. Tinanggalan mo ng himig ang iyong sariling pagkakakilanlan. Oo, narinig kita. Hindi na sariling wika ang iyong ginagamit. “Cringe” ang tawag mo sa wikang Filipino. Iyong niluwa ang bunga ng binhing itinanim ng Inang lupa.
Tatlo. Nakalimutan mo na ang mga kuwento ng ating mga ninuno. Ang mga alamat, epiko, at kasaysayang minsang isinabuhay ng ating mga bayani ay ngayo’y natatabunan na ng makapal na ulap ng mga banyagang kultura. Parang abo silang unti-unting tinangay ng hangin, walang bakas, walang iniwan.
Apat. Mas pinili mong yakapin ang mga wikang banyaga, “annyeonghaseyo” pa aniya. Iniwang nakabuklat ngunit hindi kailanman ipinagpatuloy ang pag-aaral sa aklat ng kultura. Sa pagnanais na makisabay sa agos ng modernong mundo, nakalimutan mong may dagat pa pala ng kayamanang kaloob ang ating sariling wika.
Lima. Paano kung pati pangalan mo ay mabaon sa limot? Kung wala nang wikang sasambit pa sa ating pinagmulan, mawawala rin ang kasaysayan ng ating pagkatao. Kapag ipinagkaila mo ang sarili mong mga salita, ay para mo na ring nilayasan ang sarili mong tahanan.
Anim. Hindi ba’t ang ating wika ang ating pagkakakilanlan? Sa bawat titik, may dugong dumadaloy; sa bawat pantig, may diwang nag-aalab. Ano na lamang ang kasulatan ng ating pagkatao–kung mismong tayo rin ang pupunit nito?
Pito. Hindi pa huli ang lahat. Sa bawat salitang binibigkas mo sa sariling wika, muli mong binubuhay ang naghihingalong apoy. Huwag mong hayaang lamunin ng dagundong ng diwang banyaga ang ating lahi—yakapin natin ito bago tuluyang mapigtal.
Walo. Tandaan mo na mayaman ang ating bayan sa wika at mga diyalekto. Hindi lamang iisa, hindi dalawa, kundi pitong libo’t anim na daan at apatnapu’t isang pulo, at lahat ng ito’y may kaniya-kaniyang tinig na bumubuo sa ating kwento.
Siyam. Kung tunay mong mahal ang bayan, mahalin mo rin ang ating wika. Sapagkat dito nakaugat ang ating kasaysayan, dito sumisibol ang ating kinabukasan. Ika nga ni Gat. Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa na masahol sa hayop at malansang isda.”
Sampu. Hindi hindi lang limitado sa sampu ang wika ng bansa, at iisa lamang ang diwang binabalot nito–ang pagiging Pilipino. Maraming tinig, maraming anyo, ngunit iisa ang puso.
At sa huli, kung patuloy nating yayakapin ang ating sariling wika, hindi ito kailanman mawawala, kahit gaano pa karaming ulit tayong magtagu-taguan.