𝗩𝗶𝗮 𝗝𝗲𝘃𝗶𝗻 𝗔𝗹𝗳𝗿𝗲𝗱 𝗙𝗼𝗹𝗹𝗮𝗻𝘁𝗲
Nakatakdang umeksena ang Filipino-Americans na sina Brooke Van Sickle, MJ Phillips, at Tia Andaya sa muling pagsabak ng binagong lineup ng Alas Pilipinas sa VTV Women’s International Cup mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 5 sa Vinh Phuc, Vietnam.
Inilantad ni head coach Jorge Souza De Brito ang paunang 17-kataong roster na pinangungunahan ni Van Sickle, ang PVL Season MVP at pambato ng Petro Gazz.
Bagamat nasa proseso pa ang kanilang transfer of federation, kumpirmadong makakalaro sina Van Sickle, All-Filipino Finals MVP Phillips, at rookie setter ng Choco Mucho na si Andaya sa prestihiyosong invitational tournament.
Muling magbabalik sa national team si Maddie Madayag matapos ang kanyang huling paglahok noong 2019 Southeast Asian Games, at makakasama sa gitna sina Thea Gagate at Fifi Sharma.
Pasok din sa bagong komposisyon ng koponan ang mga dating Lasallian na sina Alleiah Malaluan, Leila Cruz, Mars Alba, Amie Provido, at Justine Jazareno na pawang unang beses tatawagin sa pambansang koponan.
Nanatili namang matibay ang pundasyon ng koponan sa pangunguna ng team captain Jia De Guzman, co-captain Dawn Macandili-Catindig, Eya Laure, Vanie Gandler, Dell Palomata, at reserve setter na si Lams Lamina na lahat ay naging susi sa pagkakasungkit ng pilak sa AVC Women’s Nations Cup.
Hindi naman kabilang sa edisyong ito sina Angel Canino, Bella Belen, Alyssa Solomon, Shaina Nitura, Cla Loresco, at Jen Nierva.
Pipili si Coach De Brito ng 14 sa 17 manlalaro upang bumuo ng pinal na lineup ng Alas Pilipinas na haharap sa host team Vietnam, Australia, at Sichuan Women’s Volleyball Club ng China sa Group A ng torneo.