Sa kalsadang lubog na nauulanan, baha’y walang tigil,
mga pader ng barong-barong, unti-unting guguho’t nakagigigil.
Ngunit sa palasyo ng mga hipokrito, kislap ng alahas ay kumikinang,
habang ang mga magsasaka naghihikahos sa lupaing kanilang nililinang.
Mga bata sa paaralan kulang sa pansin, kulang sa upuan,
tinta ng lapis ay pigtas, papel ay punit pa’t walang guhit na susulatan.
Ngunit ang mga anak ng mga namumuno'y nagbibilang ng Gucci’t Chanel,
samantalang guro’y sweldong kapiranggot, sila pa ang bumibili ng kani-kanilang papel.
Sa ospital, ang pasyente’y kapag nag-aantay ng atensiyon ay nakahiga sa sahig,
doktor ay kulang, gamot ay tila ginto, wala pang panlunas na maibibigay kahit bigay ng langit.
Habang ang pondo’y inukit sa bulsa ng kurakot,
may mga pamilya pang iniisip na nga lang ang uulamin—naiiyak at natatakot.
Gutom ang bumabaon sa sikmura ng bata,
ang ina’y nagluluto ng asin sa kanin, pilit na tawa’t pag-asa.
Ngunit ang nakaupo sa trono’y nabubusog sa pista,
kanin ng masa’y pinapalit sa alak at mesa ng paraiso’t kasayahan nila.
O upuang simbolo ng gahaman at kasinungalingan,
lunod na ang bayan, sino pa ang aangat mula sa kailaliman?
Kung hindi babangon ang tinig ng sambayanan,
mismo ang dagat ng galit ang lulunod sa mga mapang-abusong pinuno ng ating bayan.