𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Isang ina ang nasawi sa Moalboal, Cebu. Isa na namang biktima ng tatlong bagay na matagal na nating kinikimkim pero pinapalampas: iresponsableng drayber, bulok na kalsada, at inutil na sistemang medikal.
Hindi ito isang simpleng aksidente; isa itong trahedya na sana ay naiwasan kung ang mga kinauukulan ay kumilos sa tamang oras at direksyon.
Ang Lasing na Drayber
Puno na ang salop. Ilang beses na ba tayong nawalan ng mahal sa buhay, ng kaibigan, ng kababaryo, dahil sa mga lasing na drayber na akala mo’y pagmamay-ari nila ang kalsada? Ang drayber na nakabangga sa inang ito ay hindi lang lasing—lumusot pa sa maling lane. Hindi ito simpleng kapabayaan; ito ay krimen.
Sino ang mananagot sa ganito? Hanggang kailan natin hahayaan na ang mga lasing na bumabiyahe ay lumusot sa kamay ng batas? Ang epekto ng isang gabi ng bisyo ay isang pamilyang nabiyak, isang inang nawala, at tatlong anak na naulila.
Ang Kalsadang Naipit sa Kabagalan
Hindi pa rin maayos ang kalsada sa lugar kung saan nangyari ang insidente. Hindi dahil walang ginagawa, kundi dahil sobra ang kabagalan ng pagkumpuni. Ilang buwan o taon na ba ang lumipas mula nang ito ay sisimulan, ngunit hanggang ngayon ay tila hindi pa rin tapos? Ang bawat araw ng pagkaantala ay katumbas ng panganib sa mga mamamayan—mga magulang na naghahanapbuhay, estudyanteng naglalakad papasok, o mga anak na umuuwi sa bahay.
Hindi ba’t tungkulin ng gobyerno na tiyaking ligtas ang ating mga daan? Kung may aksyon nga pero napakabagal, sapat ba ito para mailigtas ang buhay ng tao? Ang kalsada ay hindi lang simpleng proyekto—ito ay daan ng buhay. Kapag pinabayaan o inabot ng kabagalan, puwede itong magdulot ng trahedya, gaya ng nangyari.
Sistemang Pangkalusugan na Nagpapabaya
Pero ang pinakamasakit sa lahat? Ang karanasan ng pamilya sa ospital. Ang kawalan ng mabilis na aksyon. Walang agarang gamot. At ang mas malala, may pagkakataon sanang mailipat si nanay sa Chong Hua o Cebu Doc, pero hindi pinayagan dahil sa “low blood pressure.”
Hindi ba’t tungkulin ng mga doktor at nurse na iligtas ang buhay ng pasyente? Bakit tila mas mahalaga ang papel at proseso kaysa sa aktwal na kondisyon ng pasyente? Ayon sa pamilya, si nanay ay lumaban ng labing-isang oras. Hindi sila sinabayan ng nurse. Wala ring linis sa sugat ni nanay, kaya mismong anak ang nagtatrabaho bilang tagalinis at tagabantay.
Ang referral system—na dapat sana ay tulong—ay naging sagabal pa sa kaligtasan. Kailan pa naging normal na hintayin muna ang pagkamatay bago kumilos?
Hustisya at Pananagutan
Sa ngayon, wala pang katarungang nakukuha ang pamilya. Ang drayber, ayon sa anak, hindi man lang nagpakita. Sa mata ng batas, inosente pa siya hangga’t hindi napatunayan, pero sa puso ng mga naulila, malinaw ang kasalanan.
Sa lahat ng may kapangyarihan sa lalawigan—oras na para kumilos. Hindi na sapat ang pakikiramay. Kailangang ayusin ang mga kalsada. Paigtingin ang batas laban sa mga lasing na drayber. At higit sa lahat, ayusin ang sistemang pangkalusugan—kailangan nating mga eksperto, hindi lang mga tauhan.
Ang pagkamatay ng isang ina ay hindi lang pagkawala ng isang tao; isa itong sugat sa pamilya, sa komunidad, sa bayan. Huwag nating hayaang mabaon sa limot ang insidenteng ito. Gawin nating aral at panawagan: sapat na ang kapabayaan. Dapat may managot. Dapat may magbago. Bago pa may mawala na naman.