Nanawagan ang Liga ng mga Barangay ng Pilipinas (LBP) sa Korte Suprema upang ideklarang ‘constitutional’ ang bisa ng Republic Act No. 12232, ang batas na nagtakda ng bagong iskedyul para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Agosto 22, 2025.
Bilang tugon sa sunod-sunod na mga petisyon, iginiit ng—liga na kumakatawan sa halos 42,000 barangay sa buong bansa—na ang RA 12232 ay hindi simpleng pagpapaliban ng eleksiyon, kundi magtatakda ng bagong termino ng panunungkulan.
Sa kanilang “motion to admit petition for intervention,” pinangunahan ni LBP National President Maria Katrina Jessica Dy, kasama ang humigit-kumulang 50 barangay chairpersons mula Isabela, Leyte, at Misamis Oriental, ang pagsumite ng posisiyon sa Korte Suprema.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-apela ng LBP ay ang petisyong inihain ni election lawyer Romulo Macalintal noong Agosto 15 na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang RA 12232 dahil nagpapalawig ito ng termino ng mga halal na opisyal nang walang bagong mandato mula sa taumbayan.
Kinontra ito ng liga sa pagsabing malinaw ang kapangyarihan ng Kongreso na magtakda at mag-ayos ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK, alinsunod sa Artikulo VI, Seksiyon 1 at Artikulo X, Seksyon 3 at 8 ng Konstitusyon.
“Ipinapalagay na konstitusyonal ang batas, at ang RA 12232 ay nagtatakda lamang ng bagong termino ng panunungkulan. Ang paglipat ng halalan ay bunga lamang nito at hindi isang pagpapaliban na nangangailangan ng kalamidad o karahasan bilang batayan,” pahayag ng LBP.
Sa kasalukuyan, inatasan ng Korte Suprema ang Senado, Kamara, Malacañang, at Commission on Elections (Comelec) na magsumite ng kani-kanilang komento sa loob ng sampung araw bilang tugon sa mga petisyon at kahilingan para sa isang temporary restraining order (TRO).