Kamakailan, ipinasya ng Korte Suprema na ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay labag sa Konstitusyon; isang desisyong agad ipinagdiwang ng kanyang kampo bilang “legal victory.” Ngunit huwag tayong palilinlang sa anyo ng tagumpay. Dahil kung susuriin natin ang nilalaman nito, isa na naman itong halimbawa ng pagbaluktot sa batas: sa halip na magsilbing kasangkapan ng katarungan, ginamit ito bilang sandata upang umiwas sa pananagutan.
Ang batayang dahilan ng Korte Suprema ay teknikal: mayroon nang impeachment complaint na inihain laban kay Duterte noong Pebrero 2025, kaya’t ang bagong reklamo ay lumalabag umano sa “one-year bar rule.” Sa mata ng batas, maaaring ito’y tama. Ngunit ang tanong: ang desisyon ba na ito ay isinagawa upang ipatupad ang diwa ng hustisya o ginagamit bilang panangga upang takasan ang batas?
Hindi binusisi ng Korte ang bigat ng mga paratang: ang hindi maipaliwanag na paggasta ng confidential funds, ang mga kahina-hinalang pagkakaloob ng pondo, at ang mga binitawang banta sa mga opisyal ng bansa. Sa halip, ginamit ang teknikal na argumento upang itaboy ang panawagan ng pananagutan. Isinara ng desisyon ang pinto sa masusing imbestigasyon, kahit pansamantala.
Ang kampo ni Duterte ay nag bigay pugay sa desisyon bilang tagumpay ng batas. Ngunit sa ilalim ng ganitong mga desisyong teknikal, nalalagay sa panganib ang prinsipyo ng “checks and balances”. Sa kasalukuyan, 11 sa 15 mahistrado ng Korte Suprema ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dalawa lamang ang mula sa administrasyong Aquino, at isa sa kasalukuyang administrasyong Marcos. Sa kontekstong ito, hindi maiiwasang magtanong ang taumbayan:
Paano magiging ganap na impartial ang korte kung halos lahat ng miyembro nito ay nakaugat sa iisang administrasyon?
Sa mga kasong may pulitikal na bigat gaya ng impeachment, hindi maikakaila ang posibilidad ng impluwensyang bumabaluktot sa prinsipyo ng judicial independence. Bagamat walang konkretong ebidensiyang direktang sumisira sa integridad ng mga mahistrado, may sapat na dahilan para magduda ang publiko—lalo na kapag ang desisyon ay pumapabor sa makapangyarihan.
Kapag ang Korte Suprema, na siyang tagapagtanggol ng Konstitusyon, ay pinipiling ipatupad ang batas sa paraang higit na pumoprotekta sa nasa kapangyarihan kaysa nagpapalakas ng pananagutan, unti-unting nilulusaw ang tiwala ng taumbayan. Sa ganitong eksena, ang batas ay hindi na naglilingkod sa katarungan kundi nagtatakip dito.
Oo, lumabag sa one-year bar rule ang ikalawang reklamo. Ngunit kung ang unang reklamo ay hindi man lang pinakinggan nang buo, at kung walang malinaw na proseso ng hustisya ang naisakatuparan, ang pagbabasura sa kasalukuyang reklamo ay mistulang “legal shortcut.” Legal, oo ngunit kaduda-duda sa moralidad. Masaklap pa, ginagamit ito ngayon ng kampo ni Duterte bilang depensa hindi upang ayusin ang sistema, kundi upang ikutan ito. Ginagawang kasangkapan ang batas—daluyan ng kapangyarihan, imbes na ng katarungan.
Maaaring ligtas si VP Duterte ngayon. Ngunit hindi nito nabubura ang mga tanong: Saan napunta ang pondo? Sino ang nakinabang? Bakit may katahimikan sa gitna ng malinaw na panawagan ng paliwanag? Ang tugon ng korte ay hindi sapat upang maibsan ang alinlangan ng bayan, lalo na sa panahong kailangan natin ng malinaw na sagot, hindi palusot.
Hindi sapat ang sabihing “ayon sa batas.” Ang mas mahalagang tanong: para kanino ang batas? Para ba ito sa mamamayan, o para sa mga nasa itaas? Kapag ginagamit ang batas upang hadlangan ang imbestigasyon, imbes na payagan ito, tayo’y dapat mangamba. Sapagkat sa ilalim ng mga guhit ng legalidad, maaaring unti-unting nabubura ang mismong kaluluwa ng hustisya.
Ang tagumpay sa korte ay hindi nangangahulugang tagumpay sa katotohanan. At sa isang bansang matagal nang ginugupo ng katiwalian, hindi natin dapat payagang gawing maskara ang batas para sa kasinungalingan.