Binabaha na ang bayan,
nalulunod na ang taumbayan—
dala ng malawakang pag-ulan,
dumi ng katiwalian,
at ng bilyon-bilyong kawalang-pakundangan.
Pangako ng proyekto’y ginhawa at solusyon,
ngunit tila iba ang kinahinatnan ng salitang iyon.
Para kanino nga ba ang ginhawa?
Sa publiko o sa nagplano ng proyekto?
Mahabag sana ang sakim na mayayaman,
sa kanilang kamay ay salaping naglalakihan
habang ang kanilang dapat na pinaglilingkuran
ay narito’t naghihirap sa sitwasyong pinagdaraanan.
Bakit hindi magawang tularan
ang mabuting hangarin ng iilan?
Kung kinaya naman nilang magserbisyo
nang walang halong panloloko?
Hindi tuluyang makakaahon ang bansa sa pinsala,
kung mayroong patuloy na mananamantala
mula sa mga dapat ay nagsisilbing tagapamahala.