Bilang pagtugon sa madalas na pagkansela ng klase dulot ng mga pag-ulan at pagbaha, naglaan ang Department of Education (DepEd) ng mahigit P4-milyon para sa pamamahagi ng “EduKahon” recovery kits sa mga apektadong paaralan.
Opisyal na inilunsad noong Agosto 28 sa Tabaco National High School sa Albay ang programa na magbibigay ng mga kit na naglalaman ng mga gamit gaya ng kuwaderno, lapis, ruler, laminated posters, hygiene pack, at first aid kit sa mga guro at mag-aaral.
Para naman sa mga paaralang madalas naapektuhan ng kawalan ng kuryente, ang mga kit na ibibigay sa kanila ay maglalaman ng karagdagang mga set ng solar panel.
Ipamamahagi ang mga kit sa tatlong antas: (1) school kits para sa pansamantalang silid-aralan, (2) teacher kits na may instructional materials, at (3) learner kits na may individual supplies.
Susubaybayan naman ng Disaster Risk Reduction Management Service ng DepEd ang distribusyon sa mga pampublikong paaralan at community learning centers na tinamaan ng kalamidad.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, sa pamamagitan ng EduKahon, masisiguro na magpapatuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral at hindi mapuputol ang kanilang pag-unlad dahil sa mga sakuna.
Bahagi ang programa ng mas malawak na paghahanda ng DepEd laban sa epekto ng sakuna.
Nauna nang ipinag-utos ng kagawaran ang pagbalangkas ng learning continuity plans ng lahat ng paaralan upang matiyak na tuloy-tuloy ang pag-aaral kahit na may bagyo o pagbaha.
Dagdag pa rito, nasabi rin ng DepEd na isasama ang EduKahon sa Adopt-a-School platform upang direktang makasuporta ang mga pribadong katuwang at donor sa paghahanda at pamamahagi ng mga kit.