Naglalagablab ang sigaw ng kalayaan sa mga Pilipino,
Kahit hamak man at tinatawag na mga Indio.
Bakit niyo kinuha ang boses na siya namang totoo?
Binusalan ang bibig gamit ang kahon ng ginto.
Ang katotohanan ay tinatakpan ng mga kasinungalingan,
Walang matakbuhan sa mundong ginagalawan.
Bakit biglang nagwagi ang kadiliman?
Naging pipi na ba ang katarungan?
Mula sa dugo’t pawis ng mga inosente,
Na siyang bumubuhay sa bayan nating labis na sugatan,
Ngunit ang mga pinuno’y walang konsensya,
Binubulsa ang kaban ng bayan habang ang masa’y nagugutom sa lansangan.
Mga pangakong paulit-ulit na inuusal,
Ngunit ang kahirapan ay lalong lumalala.
Nasaan ang dangal at tunay na paglilingkod?
Kung sa bawat halalan ay pera ang pinapairal?
Ngunit sa bawat pag-iyak ng bayan ay may apoy na sisiklab,
‘Di kayang supilin ng yaman at kapangyarihan.
Ang tinig ng mamamayan ay muling babangon,
Upang ang katarungan ay tuluyang magtagumpay sa lipunan.