via Jevin Alfred B. Follante, Pressroom PH
Hindi ko malilimutan ang tunog ng palakpak. Tila alon na paulit-ulit na bumabayo sa aking isipan, ngunit kailanman hindi ako nadadala. Ang mga pangalan nila’y isa-isang sinisigaw, bawat isa’y may kasamang hiyaw ng tuwa. At ako? Ako’y nananatiling tahimik, nakaupo, at pilit na tinatakpan ang panginginig ng mga daliri kong kanina pa kumakapit sa aking panulat. Ang buong paligid ay nagdiriwang — ngunit sa loob ko, may lungkot na humihiyaw: sana ako naman.
Sa Division Schools Press Conference, kung saan nagsisimula ang lahat. Unang entablado ng pangarap, unang pagkakataon kong mailalaban ang aking boses gamit ang tinta at papel. Ramdam ko pa ang lamig ng silid at ng aking mga kamay habang sinusulat ko ang bawat salita, pilit nilalabanan ang kaba. Ngunit sa huli, nang iproklama na ang mga nagwagi, nanatili akong tagapakinig. Ang medalya, ang sertipiko, ang palakpak — lahat iyon ay napunta sa iba. At ako? Umuwi akong dala ang mga tanong na paulit-ulit na bumabalik: “Hindi ba ako naglaan ng sapat? Hindi ba ako nag-aral nang husto?”
Pagdating ng Regional Schools Press Conference, mas mabigat na laban ang humarap sa akin. Mas matitindi, mas bihasa, mas mabilis magsulat ang mga katunggali. Dito ko naramdaman ang pakiramdam ng pagiging maliit sa gitna ng napakarami. Pinanood ko silang parang kidlat kung sumulat — malinaw, matalim, at walang patlang. Samantalang ako, kahit anong pilit, laging may kulang. Nang matapos ang laban, muli kong narinig ang mga palakpak. Ngunit gaya ng dati, hindi iyon para sa akin. Doon ko unang naramdaman na para bang sarado ang pinto. Ilang beses ko mang katukin, hindi ako pinapapasok.
At ang National Schools Press Conference — ang pinakamalayong pangarap. Sa tuwing naririnig ko ang kuwento ng mga nakaabot dito, tila ba nakikita ko ang isang bituin na kumikislap sa kalangitan. Abot-tanaw, ngunit napakalayo. Isinasalaysay nila ang mga karanasan nila sa entablado, ang pakiramdam ng pagtapak sa pinakamataas na yugto ng paligsahan. Habang sila’y nagbabalik na may dalang parangal at karangalan, ako nama’y nananatiling tahimik sa sulok, pinapakinggan ang kanilang mga alaala.
Hindi ko maiwasang isipin: hanggang kailan ako magiging tagapakinig ng kwento ng iba?
Masakit ang paulit-ulit na pagkatalo. Masakit ang bumalik sa paaralan at tahanang walang bitbit na medalya o sertipiko, kundi pangarap na muling ipupusta sa susunod na taon. Masakit makita ang sarili sa harap ng salamin, pilit na pinapalakas ang loob kahit ramdam na ramdam ang bigat ng kabiguan. Masakit ang manatiling anino, laging nasa gilid ng larawan, hindi napapansin, hindi tinatawag.
Ngunit sa bawat pagkatalo, unti-unti ko ring nauunawaan ang kahulugan ng pagsusulat. Hindi lang ito tungkol sa medalya, o sa entablado, o sa mga palakpak. Ito’y tungkol sa pagpupursige, sa pagbangon mula sa pagkadapa, at sa patuloy na paghawak sa pangarap kahit paulit-ulit itong dumudulas sa aking mga palad. Ang bawat talata, ang bawat artikulo, ay patunay na kahit sugatan at pagod, patuloy akong sumusulat.
Kaya’t sa araw na darating na sa wakas ay tatawagin din ang aking pangalan, hindi na bulong ang matitira sa aking dibdib. Hindi na “sana ako naman.” Sapagkat sa wakas, masasabi ko na nang buong lakas at dangal:
“Ako naman.”