Sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa iba’t ibang panig ng mundo at lumalalang pangangailangan para sa modernong estratehiya militar, tinitingnan ng Philippine Army (PA) ang karanasan ng Ukraine sa digmaan laban sa Russia bilang mahalagang batayan upang mapaunlad ang sariling kakayahan at kahandaan.
Sa pahayag ng PA nitong Agosto 30, layon nitong palakasin ang pag-unawa sa makabagong anyo ng digmaan sa pamamagitan ng posibleng kooperasyon kasama ang Ukraine.
Ito ay kasunod ng introductory call nina Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv at Ukraine’s First Non-Resident Defense, Military, Air, and Naval Attaché (NRA) sa Pilipinas, Col. Andrii Bilenkyi, sa Army Headquarters, Fort Bonifacio, Taguig City noong Agosto 28 kung saan sinalubong sila ni Brig. Gen. Roderick Balbanero, acting PA vice commander.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, binigyang-diin ni Brig. Gen. Balbanero na nagbibigay ang karanasan ng Ukraine ng “mga oportunidad na makakatulong nang direkta sa pag-unawa ng PA sa modernong digmaan,” lalo na pagdating sa hybrid threats, paggamit ng drone at iba pang teknolohiya, at pagpapanatili ng katatagan sa mahabang labanan.
Tinukoy sa mga usapan ang mga pagsulong ng Ukraine sa drone technology, cyber defense, at logistics, habang kinikilala rin ang kasanayan ng Pilipinas sa maritime disaster response at trauma recovery.
Nagsimula ang opisyal na operasyon ng Embahada ng Ukraine sa Pilipinas noong Disyembre 2024, sa ilalim ng pamumuno ni Fediv bilang unang embahador at nagpatuloy noong Hunyo 2025 sa Shangri-La Dialogue sa Singapore, kung saan nakipagpulong si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kay Ukraine Deputy Defense Minister Oleksandr Kozenko.
Inanunsyo naman ng Kyiv ang plano nitong magtalaga ng defense attaché sa Maynila bilang hakbang tungo sa mas maigting na bilateral cooperation.