Inilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit apat na milyong halaga ng relief goods para sa mahigit 68,000 pamilyang nasalanta ng bagyong Crising at habagat sa pitong rehiyon.
Mahigit 215,000 indibidwal mula Rehiyon I, II, III, MIMAROPA, V, VI, VII, at IX ang naitalang naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha.
“Patuloy pa rin po ‘yong production ng ating mga FFPs (family food packs) sa National Resource Operations Center (NROC) at sa Visayas Disaster Response Center (VDRC)," ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
"Kung kaya nga po kung kinakailangan mag-replenish tayo ng mga stockpiles natin sa ating mga regional warehouses and in the last miles, agad po natin magagawa ‘yan sapagkat tuloy-tuloy ‘yong ating production sa ating mga major hubs,” dagdag pa niya.
Tinatayang 5,400 pamilya ang pansamantalang nanatili sa evacuation centers, habang ang iba pa ay nasa labas ng pampublikong tuluyan.
Tiniyak ni Dumlao na may 3 milyong family food packs at non-food items na handang ipadala sa mga rehiyong lubhang tinamaan.
Kasabay nito, binisita na ng DSWD ang mga evacuation centers at nakipagtulungan sa LGUs at pribadong sektor upang mapabilis ang distribusyon ng tulong.
Nakaranas ng pangunahin at sekundaryang pinsala ang agrikultura, partikular sa Region 6, kung saan lalong humina ang ani ng palay at karga ng mga mangingisda dahil sa baha.
Ayon naman sa NDRRMC, may tatlong nasawi at tatlo ang sugatan dahil sa epekto ng bagyo at habagat sa ilang bahagi ng bansa.