via Zyra Patosa, Pressroom PH
Araw-araw, iba't ibang tao ang ating nakasasalamuha.
Iba't ibang wangis ang ating nakasasagupa.
At sa bawat hakbang at tapak ng mga paa, hindi natin batid na karamihan pala sa kanila ay nagmistulang bayaning hangad ang mabuti para sa nakararami.
Tunay silang kamangha-mangha. Tila ba'y may angking katangia't kakayahan ng pagiging bayani.
"Mga bayaning walang kapa."—ika nga nila.
Hindi nakaukit ang kanilang wangis sa bato, at hindi rin nakasulat ang kanilang pangalan sa libro.
Ngunit sila'y kinagisnan at kinamulatan na ng lahat.
Sila ‘yong mga magulang na kahit ilang luha't pawis na ang nasayang, hindi iyon naging alintana sapagkat walang hangganang pagmamahal ang kanilang puhunan mabigyan lamang ng magandang bukas at buhay ang kanilang mga munting kayamanan.
Ang mga Breadwinners, Frontliners, Guro, at lahat ng mga lingkod-bayan; Bombero, Sundalo't Pulis, mga Gobyernong tapat, kahit puyat at lanta na minsan ang lahat, saludo't pasasalamat pa rin ang alay sa inyong likas na kadakilaan.
Maging ang mga estrangherong biglaang sumusulpot at dumaraan sa ating buhay, hindi para makapanakit, kundi para makapagbigay-aral at matulungan tayo sa mga simpleng paraan.
Walang kahit na anumang bagay ang makatatapat sa kanilang kagitingan.
At sa ating mga sarili naman na ilang ulit nang nadapa't lumuha, huwag sanang kalimutang iparamdam ang mainit na yakap, tanda ng pasasalamat sa kanilang katapangan at pagiging malakas.
Nawa'y maisapuso't maalala ng lahat na walang mawawala kung kabutiha'y ipalalaganap.
Sa likod ng kanilang pagmamalasakit, alam kong may mga kahinaan at katakutan din silang ikinukubli, ngunit hindi ibig sabihin na sila ay mahina na, sinyales iyon na sila'y tunay na dakila.
Kahit ordinaryong tao ka lamang, may kapa man o wala, bata man o matanda, tandaang wala sa edad o estado ng buhay ang basehan ng pagiging bayani.
Ang kabayanihan ay nasa puso't diwa nating lahat, kaya saludo ako sa'yo, dahil ika'y kapuri-puri, kapugay-pugay, at kagalang-galang!
Salamat sa iyo, Bayani!