𝘃𝗶𝗮 𝗡𝗶ñ𝗮 𝗞𝘆𝗹𝗲 𝗕𝗮𝗹𝗱𝗮𝗻𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀
Hanggang kailan natin hahayaang manahimik ang katubigan, kung sa ilalim nito’y may mga tinig na ninakawan ng pagkakataong marinig?
Sa araw ng Hulyo 11, 2025, isa na namang mabigat na ulat ang gumimbal sa sambayanan: ilang sako muli ang nasagip mula sa kailaliman ng Lawa ng Taal sa patuloy na operasyon ng Philippine Coast Guard. Ngunit higit sa sako ang nabunot mula sa dilim—kasama nito ang mga alaala, pangamba, at patuloy na pananabik ng mga pamilyang matagal nang umaasang may kasagutan.
Sa mga balitang tulad nito, hindi maiiwasang mangilabot. Sapagkat tila sa bawat sakong lumulutang ay may bahagi ng ating pagkatao ang lumulubog—ang ating pananalig sa katarungan, ang ating pagtitiwala sa pamahalaan, at ang ating pag-asa na may saysay pa ang pagtatanong.
Bilang isang estudyante, ako’y naninindigan: ang katahimikan sa harap ng ganitong usapin ay isang uri ng karuwagan.
Kami, bilang kabataan, ay lumalaki sa panahong tila mas pinahahalagahan ang pagsasantabi kaysa ang pagharap sa katotohanan. Ngunit hindi ba’t sa amin nakasalalay ang susunod na salinlahi? Kung hindi namin ngayon sisimulang magtanong, magtanong nang may dangal at layunin, kailan pa?
Hindi ako tagapag-imbestiga. Wala akong kakayahang sumisid sa lawa. Ngunit may isip akong sumusuri, may damdaming nakikidalamhati, at may paninindigang hindi kayang patahimikin ng takot. Naniniwala akong ang bawat kabataang Pilipino ay may karapatang malaman ang totoo—hindi para mambintang, kundi upang matuto, makialam, at makiisa.
Sa tuwing may piraso ng ebidensyang lumilitaw, dapat rin namang sabayan ito ng liwanag mula sa mga institusyong may kapangyarihang sumagot. Hindi sapat ang mga headline. Ang hinihiling namin ay pagkilos—pagkilos na makatao, makatarungan, at may pagkalinga sa mga naulila at naiwan.
Ang Lawa ng Taal ay tahanan ng likas na kagandahan, ngunit sa ilalim nito’y tila may kwento ng kawalang-katarungan. Huwag na sanang hayaang manatili ito roon—nakabaon, nilulunod ng paglimot.
Dahil kung may aral mang itinuturo sa amin ang kasaysayan, ito’y ang katotohanang anumang isinisid ay kailanma’y lilitaw—bitbit ang panawagan ng mga boses na matagal nang nais marinig.