𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Naaresto ang isang Grade 8 na estudyante at ang kasamahan nito matapos umanong basagin ang bintana ng isang nakaparadang sasakyan at pagnakawan ito sa Barangay Parang, Marikina.
Batay sa ulat ni Police Col. Geofrey Fernandez, crewcab ng isang media network ang biktima sa insidente, nangyari dakong 5:30 ng umaga nitong Miyerkules, Hunyo 25.
Iniulat ang insidente bandang alas-8 ng umaga at agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad.
Nahuli ang dalawang suspek sa Molave, Marikina makalipas ang dalawang oras.
Sinabi ni Fernandez na ang biktima ay isang cameraman mula sa ABS-CBN, at sa isinagawang follow-up operation ay naaresto ang dalawang suspek na kasalukuyang isinasailalim sa inquest proceedings.
Tinangay ng mga suspek ang dalawang cellphone at iba’t ibang broadcast equipment na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P500,000.
Gayunman, hindi na nabawi ang mga nakaw na kagamitan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Marikina Police, lumabas na anim na beses nang nakulong ang isa sa mga suspek dahil sa iba’t ibang kasong may kinalaman sa ilegal na droga, pagnanakaw, at sugal.
Ang isa sa kanila ay 17 taong gulang pa lamang at kasalukuyang Grade 8.
Ayon sa ulat ng pulisya, may iba pa umanong nabiktima ang mga suspek gamit ang kaparehong paraan—pambabasag ng bintana ng mga nakaparadang sasakyan upang makuha ang mga gamit sa loob.
Nagpaalala naman ang Philippine National Police (PNP) na huwag mag-iiwan ng mga mahahalagang bagay sa loob ng sasakyan upang hindi maging target ng mga magnanakaw.
Kasalukuyang nakakulong sa Marikina Police Station ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong theft.