Back to News
Feature

Sa Mata ng Paniniwala at ng Lipunan

17 days ago
4 min read
Sa Mata ng Paniniwala at ng Lipunan

via Nick Edriel Mercado, Pressroom PH

Sa Diyos ba’y ito’y kasalanan kung ang nagmamahalan ay magkaparehong kasarian? Kung oo, paano naging kasalanan ang kagustuhan ng Diyos para sa atin?

Sa paglipas ng panahon, mas lumawak na ang kalayaan ng mga tao na ipahayag ang kanilang sariling identidad at ekspresyon—hindi tulad ng mga nakaraang henerasyon. Lalo na para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community at sa kung sino ang kanilang pipiliing mahalin. Ngunit sa kabila ng pag-unlad, nananatili pa rin sa paligid natin ang mga taong naniniwalang kasalanan ito—batay sa kanilang relihiyon at paniniwala. Kaya’t marami pa rin sa ating LGBTQ ang takot magmahal, dahil baka ito raw ay mali sa mata ng Diyos.

Bagama’t unti-unti nang tinatanggap ng lipunan ang mga same-sex relationships, hindi pa rin nawawala ang mga taong mapanghusga, at maaari pang humantong sa karahasan.

Dahil dito, isinulong ang SOGIE Equality Bill o Sexual Orientation and Gender Identity Expression Bill sa Kongreso ng Pilipinas na naglalayong protektahan ang lahat laban sa diskriminasyon—miyembro man ng LGBTQIA+ community o hindi.

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy pa rin silang lumalaban para sa kanilang mga karapatan at kaligtasan.

Gayunman, hindi nawawala ang mga taong idinadamay ang kanilang relihiyon sa isyung ito. Madalas nilang gamitin ang mga talata mula sa Banal na Kasulatan upang ipahayag ang kanilang paniniwala na kasalanan ang relasyon ng dalawang magkaparehong kasarian. Madalas mo silang makikita sa mga Pride March na nagpoprotesta gamit ang mga salita ng Diyos sa paniniwalang kaya nilang baguhin ang isip ng mga nandoon.

"Huwag kang makikipagtalik sa isang lalaki na parang nakikipagtalik sa isang babae; ito ay kasuklam-suklam." — Leviticus 18:22. Isa ito sa mga talata mula sa Banal na Aklat ng Lumang Tipan, na bahagi ng mga batas ng Israelita tungkol sa kabanalan at moralidad.

Maraming denominasyong Kristiyano ang may kanya-kanyang interpretasyon sa nasabing talata. May naniniwalang ito'y dapat pa ring sundin, ngunit mayroon ding naniniwalang umiiral lamang ito sa kulturang noon at hindi na naaangkop sa kasalukuyan—lalo na kung isasaalang-alang ang mga pangunahing aral ng pag-ibig at biyaya sa Bagong Tipan. Kung ang Lumang Tipan ay isinulat ng mga Israelita, ang Bagong Tipan naman ay isinulat ng mga apostol at tagasunod ni Hesus na nakasaksi sa Kanyang buhay at turo.

"Dahil dito, iniwan sila ng Diyos sa mga kahalayan ng kanilang mga puso. Pinili nilang makipagtalik sa kapwa nila kasarian. Ang mga babae ay nagpalit ng likas na pakikipagtalik sa hindi likas, at ang mga lalaki naman ay nakipagtalik sa kapwa lalaki, na nagsagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At natamo nila ang nararapat na kabayaran ng kanilang kamalian." — Roma 1:26-27. Isa ito sa mga talatang madalas gamiting batayan sa ganitong mga usapin.

LNoong Disyembre 18, 2023, inilathala ng Dicastery for the Doctrine of the Faith ang deklarasyong pinamagatang "Fiducia Supplicans: On the Pastoral Meaning of Blessing" na inaprubahan ni Pope Francis, ang ika-266 Bishop of Rome. Nakasaad dito na kung may dalawang taong humihingi ng basbas, kahit na "hindi regular" ang kanilang kalagayan bilang magkasintahan, maaring payagan ng mga ordinadong ministro ang pagbibigay ng pagpapala.

Gayunpaman, dapat iwasan ng pagbabasbas na ito ang anumang aspeto na maaaring magmukhang seremonya ng kasal. Ibig sabihin, pinapayagan ang pagpapala sa anumang dalawang tao, anuman ang kanilang sekswal na oryentasyon, basta’t hindi ito nagkakamukha ng kasalan.

Sa usaping legal, ilang mga bansa na rin ang nag-legalize ng same-sex marriage. Isa na rito ang Netherlands noong 2001—ang kauna-unahang bansa sa mundo na nagpatupad nito. Sa mga bansang ito, ang kasal ay maaring isagawa ng isang opisyal ng gobyerno tulad ng mayor, civil registrar, o hukom. Maaari rin itong idaos sa mga simbahan na sumusuporta sa same-sex marriage gaya ng United Church of Christ (UCC), Evangelical Lutheran Church in America, at iba’t ibang sangay ng Protestanteng Kristiyanismo. Ang mga grupong ito ay bunga ng Reformation noong ika-16 na siglo—isang kilusang naglalayong baguhin ang Simbahang Katolika.

Sa Pilipinas, hindi pinapayagan ang same-sex marriage bunsod ng matibay na impluwensiya ng relihiyon—lalo na ng Simbahang Katolika—at ng konserbatibong kultura. Ang Family Code at Saligang Batas ng bansa ay tahasang nagsasaad na ang kasal ay isang unyon sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae. Marami ring mambabatas ang mariing tumututol sa legalisasyon nito.

Bagama’t patuloy pa rin itong pinagtatalunan—sa lipunan at sa pananampalataya—sa huli, ang puso pa rin ng bawat isa ang may huling salita kung sino ang karapat-dapat nilang mahalin.

Pausbongin natin ang respeto at pagkakapantay-pantay. Lalaki ka man, babae, o miyembro ng LGBTQIA+—lahat tayo ay pantay-pantay sa mata ng Diyos at sa mata ng batas.

About the Author

S

Selwyn Cjay E. Rayray

Rayray is a passionate student journalist who strives to amplify youth voices and bring forward stories that matter. Through his careful, creative, and responsible approach, he helps foster understanding, inspire action, and make a positive difference in his community.

You Might Also Like

𝗡𝗴𝗶𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗮𝘀𝗶𝗴𝗮𝘄: Kapansanan, Hindi Katahimikan

Kailan naging kasalanan ang pagiging kakaiba? Siyempre, sa matang mapanghusga. Nakakadena sa pang-aalipusta ang buhay ng isang naiiba. Iba sila kung tingnan at tratuhin, tila laging may layong paghusga. Pilit inaako ang bawat salitang nang-uuyam habang patuloy ang pagngiti — walang nakauunawa, walang pakialam.

"𝗞𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮 𝗿𝗶𝗻 𝘁𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮": Bayang Uhaw

Lahat tayo’y may kaniya-kaniyang pangarap na umaasang marating ang buhay na maginhawa— ‘yong tipong wala nang iniintinding bukas. Tila naglalayag sa alon ng karangyaan at ang isip natin ay malayang lumilipad, malayo sa problemang pinansyal.