via Kurt Basti Fuentes, Pressroom PH
Sa likod ng makukulay na thumbnail at mga nakaaaliw na video, may nagtatagong panganib na matagal nang binabalaan ng mga eksperto. Ang pagkaligaw ng kabataan sa masalimuot na nilalaman ng internet. Kaya’t ngayon, tumindig ang YouTube gamit ang Artificial Intelligence (AI)—isang makabagong sandata upang hadlangan ang mga batang nagkukubli bilang adults sa kanilang plataporma.
Ayon kay James Beser, pinuno ng YouTube Youth, hindi na sapat ang simpleng petsa ng kaarawan sa account. Sa halip, gagamit ang YouTube ng machine learning, isang uri ng AI na natututo mula sa kilos at ugali ng tao. Sinusuri nito ang ugat ng pagkonsumo: anong mga bidyo ang pinapanood, gaano katagal umiiral ang isang account, at iba pang palatandaan. Sa pamamagitan nito, kayang tukuyin kung ang isang gumagamit ay tunay na adult o batang nagtatangkang sumilip sa mundong hindi pa niya dapat marating.
Kung mahuli ng sistema ang gayong panlilinlang, aabisuhan ang user na siya ay itinuturing na menor de edad at hihingan ng katibayan ng edad—mula sa selfie, ID ng pamahalaan, o maging credit card verification.
Ang Lason ng Algorithm
Hindi lihim na ang internet ay nagiging larangan ng tinatawag na “predatory algorithms” kung saan ang mga makinaryang nakahulma upang hilahin ang bata patungo sa nilalamang maaaring makasira ng isip at damdamin. Sa Australia, apat sa bawat sampung bata ang umamin na nakatagpo sila ng nakapipinsalang bidyo sa YouTube. Bunga nito, nagpasya ang kanilang pamahalaan na ipagbawal ang social media sa mga wala pang 16 taong gulang simula Disyembre 10, 2025. Isa ito sa pinakamabagsik na batas hinggil sa internet sa buong daigdig.
Teknolohiya Laban sa Tukso
Ang hakbang ng YouTube ay tila tabak na yari sa agham: hindi nakikita, ngunit matalim. Ngunit kahit gaano katalino ang AI, hindi nito kayang gamutin mag-isa ang pag-usbong ng masasamang nilalaman. Nananatiling mahalaga ang gabay ng magulang, paggising ng kamalayan ng guro, at ang sariling pagpipigil ng kabataan.
Sa gitna ng siglo ng digitalisasyon, muling tinatanong ang lipunan: Paano babalansehin ang kalayaan at ang kaligtasan? Ang hakbang ng YouTube ay unang bakas ng pagbabago bilang isang makamandag na panangga laban sa mga panganib ng virtual world. Ngunit gaya ng lahat ng digmaan, hindi sapat ang isang sundalo. Ang laban para sa kabataan ay isang sama-samang pagkilos mula AI hanggang pamilya upang tiyakin na ang hinaharap ng kabataan ay hindi madungisan ng lason ng algorithm, kundi mahubog sa dunong at dangal.