Sumiklab ang mararahas na protesta sa Indonesia bunsod ng pagtutol sa labis na benepisyo ng mga mambabatas at pagkamatay ng isang delivery driver, na naglagay ng kabataan sa sentro ng oposisyong pampulitika.
Nagsimula ang mga kilos-protesta noong nakaraang linggo, Agosto 25 at lumala matapos mamatay si Affan Kurniawan, isang 21-taong gulang na motorcycle rideshare driver, nang mabangga siya ng mga sasakyang ng pulis sa Jakarta tatlong araw ang makalipas, Agosto 28.
Noong Linggo, ipinahayag ni Pangulong Prabowo Subianto ang pagbawas ng mga allowance at pagtigil sa mga biyahe sa ibang bansa ng mga mambabatas bilang tugon sa kaguluhan, ngunit tinawag ito ng mga estudyante na hindi sapat.
Tinutugunan naman ito ng pinuno ng All Indonesian Students’ Executive Body na si Muzammil Ihsan na “Hindi sapat ang pagbawas ng benepisyo, subalit ang galit sa lansangan ay may mas malalim pa na dahilan.”
Sa kasalukuyan, lima na ang nasawi mula nang magsimula ang protesta, habang ninakawan at sinunog ng mga nagra-riot ang mga bahay ng ilang opisyal at gusali ng pamahalaan sa iba’t ibang probinsya.
Kinansela ni Pangulong Prabowo Subianto ang nakatakdang biyahe sa China at inutusan ang militar at pulisya na higpitan ang kanilang aksyon laban sa ilang bahagi ng kaguluhan, na tinawag niyang may halong “terorismo at pagtataksil,” ngunit kinondena ito ng mga grupong pang karapatang-pantao at lider ng kabataan, kabilang ang Amnesty International Indonesia, bilang mapanupil at “labis.”
Binigyang-diin ng mga analyst na ipinakita ng mga protesta ang malalim na hinanakit ng kabataang Indones, at ang pagkamatay ni Affan ay naging simbolo ng kanilang pakikibaka at isang pagsubok kung tutugon ba ang pamahalaan nang may pananagutan o panunupil.