𝘃𝗶𝗮 𝗝𝗮𝗶𝗺𝗲 𝗖. 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Kadalasang nagiging hadlang sa agarang transfusion ang pagkakaiba-iba ng bloodtypes—isang realidad na maaaring ikapahamak ng pasyente sa oras ng sakuna. Pero salamat sa mga siyentipikong Hapones, may solusyon na: artipisyal na dugo na walang blood type. Walang antigen, walang compatibility test, at walang delay.
Ang hemoglobin ay ang bahagi ng dugo na responsable sa pagdadala ng oxygen sabuong katawan. Sa teknolohiyang ito, kinukuha ang hemoglobin mula sa expired blood o mga dugong hindi na maaaring i-donate dahil lumampas na sa anim na buwang imbakan. Sa halip na itapon, pinoproseso ito at inilalagay sa microscopic lipid vesicles—maliit na parang bula na gawa sa taba, na kumikilos na parang artipisyal na dugo.
Dahil wala itong virus, blood-type markers na sanhi ng pag-tanggi ng katawan sa dugo, ligtas ito sa katawan, hindi na kailangang hanapin ang eksaktong blood type ng pasyente. Isa pa, mas tumatagal ito: dalawang taon kahit walang refrigeration, at limang taon kung malamig ang imbakan—mas mainam kumpara sa natural na dugo na tumatagal lamang ng 42 araw.
Sa panahong mabilis ang buhay at mabilis din ang peligro, ang pagkakaroon ng unibersal na dugo ay hindi na lang siyensiyang pantasya—isa na itong posibleng reyalidad. Isa itong makabagong sagot sa matagal nang problema: ang kakulangan ng tugmang dugo sa oras ng pangangailangan.
Dugo't Dusa
Hindi naging madali ang landas tungo sa tagumpay ng artificial blood. Matapos ang mahabang pananaliksik, sinimulan noong 2022 ang phase-1 clinical trial kung saan apat na lalaki ang tinurukan ng 100 mL ng bagong imbensyon. Ligtas silang nakalampas, may kaunting side effects pero walang seryosong problema. Isang senyales na may potensyal ang teknolohiyang ito.
Ngayong taon, pinalawak ang testing: mas maraming kalahok, mas mataas na dosage—hanggang 400 mL. Layunin ng mga eksperto na tiyakin ang bisa at kaligtasan nito para sa lahat ng uri ng pasyente. Ayon sa plano, sa taong 2030 pa ito opisyal na magagamit sa mga ospital, kung saan ito’y magiging kauna-unahang ganap na artificial blood sa mundo.
Ngunit hindi lang agham ang kalaban, nariyan ang etikal at pang-lohistika na hamon. Sino ang may karapatang unang makinabang? Paano ito ibabahagi sa mga bansang salat sa pasilidad? Sa likod ng bawat tagumpay sa laboratoryo ay mga tanong na kailangang sagutin bago ito tuluyang mailipat sa tunay na mundo.
May dugo ka pa ba?
Ang mundo ay humaharap sa chronic blood shortage, lalo na tuwing may pandemya,digmaan, o kalamidad. Ang artipisyal na dugo ay hindi layong palitan ang mga donor—bagkus, ito’y isang panangga sa mga panahong kaunti ang nagbibigay pero marami ang nangangailangan. Isa tong paraan para laging handa.
Malaki ang magiging ambag nito sa mga liblib na lugar na walang mga blood bank. Isipin mong mayroong dugo sa isang ambulansya na hindi kailangang i-refrigerate, ganito ang potensyal ng imbensyon na ito. Sa mga conflict zones, mobile clinics, o disaster response units, ito’y literal na “life in a bag.”
Pero habang isinusulong ang teknolohiya, hindi dapat limutin ang “human touch.” Ang kultura ng boluntaryong pagdo-donate ay nananatiling pundasyon ng medisinang makatao. Ang artipisyal na dugo ay alternatibo, hindi kapalit—isang paalala na ang agham at malasakit, kapag pinagsama, ay makagagawa ng milagro.